Ang epekto ng kaunlaran sa kultura at tradisyon

    904
    0
    SHARE

    (Bigyang daan muna natin sa isyung ito ang panulat ni Vhelle V. Garcia sa wikang pambansa para maiba naman ng kaunti kaysa dati ang mababasa ninyo sa pitak na ito, na kung saan mga tulaing Kapampangan na sinulat din niya ang ating inilalathala paminsan-minsan para sa malugod ninyong pagbabasa. Para sa kaalaman ng aming mga taga-tangkilik, si Vhelle ay panganak na anak ng inyong abang-lingkod). 
     
    Noong ako ay bata pa madalas kong naririnig
    Mga awiting kaytimyas ang harana ng pag-ibig,
    Kaya’t aking pinangarap kapag ako ang umibig
    Maghaharana rin ako sa babaing nilalangit.

    Sa paglipas ng panahon ang harana ay nawala,
    Di ko tuloy naharana ang dilag kong minumutya;
    Nalimot na nang tuluyan at ganap nang namayapa
    Ang di ko na nagisnan pa noong ako’y magbinata.

    Naglaho ring unti-unti mga awit na kundiman
    Na sonata ng pag-ibig sa magandang paraluman;
    Sayaw nating katutubo kasunod ding namaalam
    Ng tinikling, itik-itik at pandanggo sa ilawan.

    Ganoon din ang zarzuela o ang dulang pangtanghalan
    Na malimit ipalabas kapag mayrung kapistahan;
    Pati na rin ang sagutan ng makatang mahuhusay,
    Kasama ang Lakandiwa – kung tawagi’y Balagtasan.

    Namamatay ang kultura ng dahil sa kaunlaran
    At pati na ang tradisyong kakambal ng Inangbayan;
    Ito ang siyang kaluluwa nitong bansang minamahal,
    Dahil dito ay may wikang matagal nang kaulayaw.

    Mga tula at awitin, kawikaan at alamat
    Ay bahagi ng kulturang pinagyaman ni Balagtas,
    Minana ni Dr. Rizal at iba pang manunulat
    Kaya’t ating sariwain upang muling mapatingkad

    Kapag di na nasilayan nitong bagong henerasyon
    Ang tradisyon at kulturang binago na ng panahon,
    Ganap itong maglalaho’t sa limot ay mababaon
    At sa kanyang pagkalugmok ay mahirap nang ibangon.

    Kaya habang di pa huli ay sinupin nating muli,
    Sama-samang itaguyod ang pamana nitong lahi;
    Simulan na natin ngayon ang ating pagpupunyagi.
    Bilang mga mamamayan nitong liping kayumanggi.

    Isa-isip nating lagi at sa puso ay igapos
    Pagmamahal sa kultura at tradisyong bigay ng Diyos;
    Dapat tayong magkaisa sa nais na ibantayog
    Upang tayo’y kilalanin bilang bansang namumukod!

    Vhelle V. Garcia
    Eagle Telecommunication
    Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia
    April 9, 1997

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here