Kung babalikan ko sa aking gunita
bayan ng San Simon nang ako’y bata pa
ang mga tanawin ay ubod ng ganda
at walang nagkalat na mga basura
Noon luntian pa ang mga bukirin
palay at gulay ang mga nakatanim
malinis ang sapa sariwa ang hangin
payapa ang isip pati na damdamin
Kalesa pa noon ang mga sasakyan
di pa sementado ang mga lansangan
yari sa kahoy ang mga kabahayan
wala pang kuryente’t gasera ang ilaw
Mga mamamayan ay nagkakaisa
at ang bayanihan noon ay uso pa
sa larangan naman nitong pulitika
sa isang layunin ay magkakasama
Noon kung sino ang dapat na mamuno
sa bayan ang lahat ay nagkakasundo
mga botante ay pawang matitino
di rin uso noon ang mga hunyango
Subalit ngayon ay nagbago ang lahat
sa kapaligiran basura’y nagkalat
ang hangin naman na aming nalalanghap
di na tulad noong panahong lumipas
Ito ay mayroon ng kasamang usok
at ang amoy sadyang nakasusulasok
ang sanhi ng lahat na dito’y nagdulot
ay mga pabrika na nasa Quezon road
Sa aspeto naman nitong pulitika
wala na ang diwa ng pagkakaisa
ang mga hunyango nama’y talamak na
kung saan madikit yun ang kulay nila
Panahon ni Yabut, Bondoc, Azor Sitchon
walang naging isyu hinggil sa korapsiyon
hindi katulad sa nangyayari ngayon
dumaming bigla ang mga mandarambong
Naging laman na sa mga pahayagan
ang pagkasupende ni mayor Punsalan
ngayon si vice mayor Dading Santos naman
ang pansamantalang alkalde ng bayan
Sa pangyayari ay mayroong masaya
may nalulungkot at mga nagdurusa
at ang mga J. O. nama’y nangangamba
baka sa trabaho ay masibak sila
Sa hinaba-haba’t tagal ng panahon
ngayon lang nangyari sa bayang San Simon
na sa loob lang halos isang taon
ay tatlong tao na ang nagsilbing meyor
Ang bagay na ito’y di pangkaraniwan
ika nga sa inglis ay Super natural
iba ang San Simon sa lahat ng bayan
na sakop ng mahal naming lalawigan
Subalit kahit na ganyan ang nangyari
San Simon ay aming pinagmamalaki
darating ang araw babawi rin kami
at ang aming bayan ay mapapabuti