Alkalde ng SJDM pumanaw na

    356
    0
    SHARE
    SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan—Ikinagulat ng marami ang biglaang pagpanaw ni Mayor Eduardo Roquero ng lungsod na ito noong Lunes. Siya ay 59.

    Ayon kay Dante Navarro, information at tourism officer ng lungsod, si Roquero ay pumanaw sanhi ng atake sa puso bandang alas 12:15 ng tanghali.

    Sinabi ni Navarro na papunta ng city hall si Roquero ng atakihin sa puso, kaya’t agad na isinugod sa ospital kung saan siya pumanaw.

    “Kumplikasyon daw ng diabetes yung heart attack ni Mayor sabi ng duktor,” ani Navarro.

    Sinabi rin ni Navarro na ang papalit kay Roquero ay si Vice Mayor Rey San Pedro, na papalitan naman ni Konsehal Noli Concepcion bilang bise alkalde.

     “He is a great loss to the city,” ani Navarro patungkol kay Roquero.

    Sa oras ng pagpanaw ni Roquero, siya ay nasa unang termino bilang alkalde, matapos siyang maglingkod bilang kauna-unahang kongresista ng lone district ng lungsod mula noong 2004 hangang 2007.

    Bilang isang duktor, si Roquero ay unang nahalal na alkalde ng lungsod na ito noong 1995 at nanungkulan sa nasabing posisyon hanggang 2004

    Noong Setyembre 2000, pinangunahan ni Roquero ang kumbersiyon ng San Jose Del Monte bilang unang component city ng Bulacan.

    Si Roquero ay ang ikatlong local na opisyal sa lalawigan na pumanaw sa taong ito.

    Noong Hunyo ay pumanaw si Mayor Roberto Oca Jr., ng Pandi, samantalang noong Marso ay pumanaw si Eduardo Alarilla, ang dating alkalde ng lungsod ng Meycauayan na noo’y naglilingkod bilang general consultant ng nasabing lungsod.

    Ang kasalukuyang alkalde ng Meycauayan ay ang maybahay ni Alarilla na si Mayor Joan na nahalal noong 2007.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here