IKA-15 ng Hunyo, 1991, pasado alas-dos ng hapon. Iniwan ng araw ang mundong ibabaw. Naghari ang pusikit na kadiliman. Saglit na nakaririnding katahimikan. Bigla, pinunit ng kidlat, binasag ng kulog ang wari’y luksang tabing ng kalangitan: putik ang ibinugso, ang ibinuhos nama’y bato.
Sa pakikisali pa ng lindol at bagyo, wala na ngang dito’y hihigit pang dilubyo.
Ang lakas ng bulkan, naipon, nagngalit sa loob ng anim na siglo, ay kumulo, bumulwak, sumabog, nagtabon ng abo at burak sa mga bayan-bayang sa dusa’t pighati’y nalublob, nalugmok, nabaon.
Ang tangis at taghoy ng mga tao: kapatawaran ng kanilang kasalanan sa naka-ambang nang katapusan ng mundo. Tunay ka, pati ateista ay natutong tumawag sa Diyos noong araw na iyon ng Hunyo.
At dahil sa ang mga unang nasalanta ay ang Angeles at Olongapo, ipinagkahulugan na ngang ang pagputok ng Bulkang Pinatubo ay isang malupit na kastigo ng Diyos sa mga kasalanan ng tao. Di baga’t itong dalawang siyudad na parausan ng kati at libog ng mga tropang Amerikano noon ay tinagurian na ngang Sodom at Gomorrah ng Asya-Pasipiko?
(Ah, pero ang Pampanga’y hindi makasalanan. Bagkus ito’y santuwaryo ng kabanalan. Ano’t bigla itong nadamay sa makatwirang galit ng Maykapal? Ah, iyan ay ipasa-Diyos na lamang. Pagmamatwid sa akin noon ng isang manang.)
Nasa rurok na ng mithing kaunlaran at pumapangalawa na sa Cebu bilang pinakapiling lunan sa mga namumuhunan, ang lalawigang Kapampangan sa isang kisapmata’y biglang naging mapanglaw na ilang ng kawalang pag-asa.
“E ko magmalun, mibangun ya ing Pampanga.” Huwag mawalan ng pag-asa, babangon ang Pampanga.
Unang sigaw – ni Gubernador Bren Z. Guiao – na bagama’t lugmok man sa dusa’t kahirapan ay hindi pa rin nagapi’t nagahis ang Kapampangan.
Sigaw na itinitik sa tintang pula – tanda ng alab ng paglaban – sa mga puting telang ibinandera sa buong lalawigan.
Sigaw na nagsilbing aandap-andap na ningas ng bagong pag-asa. Ningas na nag-alab sa mga pagkilos tungo sa kaligtasan ng mga Kapampangan, nagliyab sa mga pagpupunyagi sa pagbangon, naglagablab sa mga pasisikap na muling pumailanlang ang lalawigan sa kalawakan ng kaunlaran.
Hindi naging madali ang pagligtas sa Kapampangan, gaya ng sumusunod na halaw sa aking isinulat na talambuhay ni Mayor Oscar S. Rodriguez.
“Ang mga dike, sabo dam, paghukay at pagdraga sa mga kailugan at sa bagtasin ng lahar na pinondohan ng daan-daang angaw ay walang pinag-iba kay Sisyphus sa alamat na Griyego – ang malupit na hari ng Korinto na isinumpang pagulungin ang isang bilog na tipak ng bato sa itaas ng gulod sa Hades upang gumulong na pababa lamang at kanya muling pagugulungin paitaas na naman sa isang walang katapusang gulungan.
“Sa salawikaing Pilipino, masasabing ang pagsisikap sa pagpigil sa lahar ay paglalakad ng painog sa isang kabilugan.
“Pinakamasama at kasumpa-sumpa pa, ang mga dike’t draga ang naging saganang bukal ng kurakutan at malawakang pandarambong sa kaban ng bayan na siya na ngang pinakabuktot na kawalanghiyaan – ang tumabo’t tumubo sa dilubyo ng Bulkang Pinatubo.
Hindi naging madali ang pagbangon. Ang paghihirap sa mga evacuation center ay totoong naibsan sa mga resettlement sites. Subali’t dito’y nasumpungan naman ang higit na pangangailangang mabigyan ng pangkabuhayan ang mga biktima ng bulkan.
Ito ay nagkaroon na rin ng akmang kalutasan sa paglipas ng mga taon nang bumalik ang tiwala’t paniniwala ng mga mamumuhunan sa Pampanga bunsod na rin ng paglinang sa Clark bilang special economic zone at sa paliparan dito.
Sumunod at umantabay sa kaunlaran ang mga kanugnog na mga bayan at siyudad. Dumami ang trabaho, lumawak ang pagkakataong makapaghanapbuhay.
Sa mga kaganapang ito, hindi na naging mahirap pa ang pagpapaimbulog muli ng Pampanga sa katiwasayan at kasaganaan.
Dalawampung taon na ang nakaraan. Ang bangungot ng rumaragasang lahar wari’y pangitaing umagos lamang sa ating kaisipan.
Mibangun ne ing Pampanga. Nakabangon na nga ang Pampanga. Dahil na rin sa sa sariling kakayahan ng mga Kapampangan.
Purihin ang Maykapal. Allahu akbar!