KAILANGAN PARATING isipin ng ating mga local government units, kabilang ang lahat ng tauhan ng gobyerno, na ang enhanced community quarantine at ang iba pang mga guidelines na sumusuporta dito ay ginagawa para protektahan ang karapatang pantao ng lahat ng mga Pilipino.
Kahit sa normal na sirkumstansya, ang pagpapanagot sa anumang paglabag ay dapat naayon sa kung ano lamang ang nararapat at nakatakda sa batas. Ang ating Konstitusyon na mismo ang nagsabi na ang gobyerno ang may pangunahing obligasyon itaguyod ang ating mga karapatan at kalayaan. At hindi rin kailanman nasususpinde ang karapatang pantao maging sa kontekso ng isang national health emergency. Kaya naman hindi maaring ang gobyerno rin ang unang lalabag sa mga ito—kahit ano pa man ang maging dahilan.
Sa kaso ng mga paglabag sa Pandacaqui, Mexico, Pampanga, lalo na para sa mga menor de edad, malinaw ang UN Convention on the Rights of the Child; Juvenile Justice and Welfare Act; at ang Joint Memorandum Circular ng Department of the Interior and Local Government at Council for the Welfare of Children No. 2020-001 na dapat isinasaalangalang ang kapakanan ng mga bata at iniiwas sila sa anumang parusa na hindi makatao at nakapagpapababa ng kanilang dignidad.
Ayon sa Juvenile Justice and Welfare Act, ang mga batang lalabag sa anumang curfew ay dapat dinadala sa kanilang tahanan o sa sinumang barangay official sa barangay hall para maiuwi sa kanilang mga magulang o tagapagbantay at sisiguraduhing may nararapat na interventions ayon na rin sa batas.
Mariin din ang pagpapaalala sa mga tauhan ng gobyerno na dapat parating gumagamit ng lengwaheng child at gender-sensitive sa pakikitungo sa mga bata.
Anumang aksyon na matuturing na pang-aabuso at nagpapahamak sa mga bata ay posibleng maging paglabag sa Republic Act No. 7610 o ang ‘Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.’
Hindi rin tama na kahit sa pagsita sa paglabag sa curfew ay tila nakararanas din ng diskriminasyon ang mga miyembro ng LGBTQ community at ginagawa silang katatawanan. Ang mga ganyang pagturing ay dumadagdag lamang sa humahabang listahan ng karahasan na nadudulot ng lalong hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Para sa ibang paglabag, makatutulong na gamitin ang lente ng karapatang pantao sa pagpapatupad ng curfew at quarantine. May mga mas mainam na hakbang para sumunod ang mga mamamayan, tulad ng ginagawa sa Iloilo City kung saan ang pag-aresto ay sinasabayan ng pagtuturo tungkol sa Covid-19 at sinisigurong ang mga panuntunan sa physical distancing ay nasusunod pa rin. Mabuti ring tignan ang mga rason sa posibleng paglabag at siguraduhing may mga karampatang aksyon sa mga wastong hinaing, tulad ng pangangailan sa pagkain, gamot, at ayuda mula sa gobyerno.
Ipinapaalala rin ng Republic Act No. 9745 o ang ‘Anti-Torture Act’ na bawal ang pagpapataw ng anumang parusang nagsasawalang bahala sa dignidad ng sinuman.
Kailangan ng makatao at patas na pagtrato sa lahat—mayaman man o mahirap, may katungkulan man o wala. Kasama rito ang pagpapaalala sa ating mgakababayan sa kahalagahan ng pakikiisa sa pagsugpo sa paglaganap ng Covid-19 sa bansa.
Kinikilala namin na humingi na ng paumanhin ang sangkot na barangay captain ng Pandacaqui para sa pangyayari. Kasalukuyan na ring iniimbistigahan ng aming CHR Regional Office ang nasabing insidente.
(Pahayag ng Commission on Human Rights sa mga paglabag ng curfew at quarantine sa Pandacaqui, Mexico, Pampanga, 8 Abril 2020)