Home Headlines AC nagbigay ng update ng imbestigasyon sa gumuhong gusali

AC nagbigay ng update ng imbestigasyon sa gumuhong gusali

450
0
SHARE

LUNGSOD NG ANGELES — Isang buwan matapos ang insidente ng pagguho ng ginagawang gusali sa Barangay Balibago, nagsagawa ng ikalawang pormal na press briefing ang Pamahalaang Lungsod ng Angeles upang magbigay ng update sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Angeles City Fact-Finding and Investigation Task Force.

Pinangunahan ni Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II ang briefing kasama sina city administrator Atty. Noel Luzung, na siyang namumuno sa task force, at Atty. Darwin Reyes, special legal adviser sa Fact-finding Committee ng Angeles LGU. 

Muling nagpaabot ng pakikiramay ang Angeles LGU sa mga pamilya ng mga nasawi, at lahat ng naapektuhan ng insidente. Binigyang-diin na mula pa lamang sa unang araw ng pangyayari ay agarang kumilos ang lokal na pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Jon upang masiguro ang kaligtasan ng lugar, suportahan ang search and rescue operations, at magbigay ng kinakailangang tulong sa mga apektadong pamilya.

Sa pamamagitan ng Executive Order No. 026, Series of 2026, pormal na binuo ni Mayor Jon Lazatin ang Angeles City Fact-Finding and Investigation Task Force upang magsagawa ng isang patas, komprehensibo, at evidence-based na imbestigasyon hinggil sa insidente.

Ayon sa task force, patuloy ang mga technical evaluations, laboratory testing, structural assessments, pagsusuri ng mga dokumento at records, at validation ng mga nakalap na ebidensya. Nakikipag-ugnayan din ang task force sa iba’t ibang ahensya ng national government na nagsasagawa rin ng kani-kanilang imbestigasyon kaugnay ng occupational safety standards, labor compliance, at iba pang kaugnay na usapin.

Binubuo ang task force ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang larangan kabilang ang engineering, public works, law enforcement, disaster risk reduction, legal services, at iba pang technical experts upang matiyak na ang lahat ng findings ay nakabatay sa siyensya, teknikal na pagsusuri, at mga umiiral na batas at regulasyon.

Mahalagang maging maingat at masusi upang matiyak na ang magiging findings ay suportado ng matibay at mapagkakatiwalaang ebidensya.

Patuloy ring nagbibigay ng legal guidance at iba pang kinakailangang assistance ang lokal na pamahalaan sa mga pamilyang nais magsampa ng kaukulang kaso kaugnay ng insidente. 

Nakikipag-ugnayan din ang iba’t ibang tanggapan ng lungsod sa mga negosyo at residente sa paligid ng lugar upang matiyak ang kanilang kaligtasan at matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Muling tiniyak ni Mayor Jon Lazatin na nananatiling nakatuon ang Pamahalaang Lungsod ng Angeles sa transparency, accountability, at public service. Aniya, walang sinuman ang dapat ma-exempt sa pananagutan kung mapapatunayang may paglabag, at ang lahat ng magiging hakbang ay nakabatay sa katotohanan, ebidensya, at tamang proseso.

Patuloy namang hinihiling ng lokal na pamahalaan ang pang-unawa, pagtitiwala, at panalangin ng publiko habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon upang makamit ang buong katotohanan at hustisya para sa mga naapektuhan ng insidente. Angeles CIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here