‘Abuso’ sa pag-aresto, pulis sibak sa pwesto

    425
    0
    SHARE
    BALIWAG, Bulacan —- Isang pulis ang sinibak sa pwesto matapos makitaan ng pag-abuso sa ginawa nitong pag-aresto sa isang mag-ina sa Barangay San Jose dito.

    Ang pulis ay kinilalang si P03 Marvin Perez ng Baliwag Police Station matapos ireklamo ng mag-inang Estelita Agluba, 69, at Estrelita Liquisa, 37, kapwa residente ng Barangay San Jose.

    Reklamo ng mag-inang Agluba ang pwersahang pag-aresto sa kanila ng pulis dahil naman sa reklamong pagnanakaw umano ng lamesa ng mag-asawang Romeo at Rossana Reyes.

    Ang mag-asawang Reyes ay dating nangungupahan kina Agluba at naiwanan sa kanilang paghahakot ng gamit ang isang glass table dahil hindi na umano kasya sa sasakyan.

    Kasunod noon ay bumalik ang anak ng mag-asawa na si Michael para kuhanin ang lamesa ngunit wala na daw ito sa labas at ipinasok na sa loob ng paupahang bahay ng mga Agluba.

    Dito na nagreklamo si Michael sa pulis at isinama sa bahay ng mga Agluba si PO3 Perez at pwersahang inaresto na ang mag-ina.

    Ayon kay Agluba, tatlong araw silang idinitine sa istasyon dahil sa akusasyon ng pagnanakaw ng lamesa.

    Aniya umalis sa kanilang paupahan ang mga Reyes ngunit iniwan nila ang salamin ng lamesa dahil hindi na ito kasya sa sasakyan.

    Itinabi nila ng kanyang anak ang salamin sa loob mismo sa inalisang bahay na inupahan ng mga Reyes dahil baka daw ito mabasag.

    Nang bumalik si Michael ay aminado silang hindi muna niya ito ibinigay sa halip ay hinanap niya ang bill ng tubig kung ito’y nabayaran na.

    Ngunit sa halip ay umalis si Michael at nang bumalik ay kasama na si P03 Perez kasama ang dalawa pang pulis at sila ay sinasabing nagnakaw ng lamesa kasunod ng pagpoposas sa kanyang anak at sila ay pilit hinihila pasakay ng patrol vehicle.

    Ani Agluba, pinagaaralan nilang magsampa ng kaso sa naturang pulis at natatakot din sa kanilang seguridad dahil sa pangyayari.

    Ayon naman kay Chief Inspector Carlos Panganiban, deputy chief ng Baliwag PNP, nang matanggap nila ang complaint laban kay PO3 Perez ay agad nila itong ipinagpaliwanag tungkol sa insidente.

    Ani Panganiban, dinisarmahan agad nila ito, kinumpiska ang ID at isinailalim sa restriction at hindi na pinag-perform ng kanyang duty matapos makitaan ng lapses sa ginawa nitong pag-aresto.

    Paliwanag naman daw sa kanila ni PO3 Perez na tumutupad lamang ito sa kanyang tungkulin. Bago pa man inireklamo ng mag-inang Agluba si PO3 Perez ay nauna na daw itong reklamo kayat agad na naiserve ang relief order sa kinasangkutan nitong kaso.

    Lumalabas din sa imbestigasyon na magbayaw sina PO3 Perez at Michael Reyes na nagrereklamo ng pagnanakaw laban sa mga Agluba.

    Sa ngayon, si PO3 Perez ay nasa holding area ng Camp Olivas sa City of San Fernando, Pampanga.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here