Di pa man talagang panahon kumbaga
Ng ‘campaign period’ ay umarangkada na
Sa pasimple’t maagang pangangampanya
Ang nakararami kahit ya’y bawal pa.
At ‘Electioneering’ itong matatawag
Base sa ‘ting mga panuntunang batas,
Pero ya’y patuloy pa ring nilalabag
Ng iba para lang mapansin at sukat.
Gaya na lang nitong ang tawag ay “Epal,”
Sa kung anong klase riyan ng ‘Political
Strategy’ nila na tunay din namang
Masasabing ‘indirect campaign material’
Eh bakit nga hindi kung katulad nitong
Bago sumapit ang anumang okasyon,
Mapa-pyesta, Undas o kaya Graduation,
May nakasabit ng ‘posters’ sa Poblacion
At iba pang lugar na kita ng tao,
(Maliban kung sakay ka ng aeroplano?)
Pero kalimitan pati sementeryo
May mga nagsabit din namang pulyeto
Ang maraming nagnanais manungkulan
Na animo’y wala nang inaabangan,
Kundi ibandera sa kapaligiran
Ang pangalan nila sa ganyang paraan.
Para maalala lagi ng botante,
Sa isinabit na tarpaulin sa poste
Ang pangalan at kung anong habol bale,
Pagkatapos makapag-file ng COC?
Na kung sino itong pinakapopular
Ang siyang matatanim sa ating isipan?
Kung kaya batid man nilang ito’y bawal
At tuwirang masasabing ‘unethical’
Ya’y patuloy pa ring sinasamantala
Ng marami pagkat napakaluwag nga
Ng Comelec hinggil sa naturang paksa
Kaya nga’t di nila lubos masawata
Ang anumang uri ng ‘electioneering’
Base sa kanilang Omnibus Code na rin,
Na aywan bagama’t ya’y kapansin-pansin
Ay tila wala lang kung ito’y ituring.
At tama bang bawat proyektong magdaan
Sa kamay ng ating nasa katungkulan
Ay ipangalan sa kanila, gayong yan
Ay di naman nila pinag-gastusan
Ng salaping galing sa sariling bulsa,
Kundi galing sa buwis ng lahat-lahat na?
(Pero tulad nitong nabanggit sa una,
Ano’t lahat na lang nang ipagawa niya
Ay pangalan nga ni Sir ang nakasulat,
Gaya sa ‘covered court’ – ibaba’t itaas;
Kung saan bunsod n’yan pabirong kumalat
Na yan diumano ay nagsilbing ‘landmark?’
Para sa Kabalen kung sila’y uuwi
‘On board in an airplane’ – kung saan madali
Nilang matukoy kung sila’y saang gawi
Na ng bansa pagkat ‘can be seen’ palagi
Mula sa itaas o sa himpapawid
Kung sila ay sakay ng Cebu Pacific,
O anumang ‘airplane’ na pabalik-balik
Dito sa Pampanga, gaya riyan ng ‘tourists’
(Na aywan kung inyo nang nagpagtuunan
Ng pansin ang ilang mga “covered court” d’yan
Na ang laki nitong letra ng pangalan
Ni Cong, abot tanaw kahit mula sa buwan?
At nasapawan na ang ‘Great Wall of China’
Na siyang sinasabing tanging istraktura
O ‘landmark’ sa mundo na nakita nina
Armstrong at ng kanyang dalawang kasama
Mula sa Apollo 11 di po ba?!