Tama lang at sadyang marapat talaga
Na ipatigil ang napakataas na
Singilin sa Korte o tinatawag na
Legal fees at saka ibang bayarin pa
Bago ang sinuman ay makapag-habla
Sa ‘bar of justice’ ng ating Republika,
Na kung saan lubhang grabe na kumbaga
Ang singiling dapat bayaran sa tuwina
Bago ang gaya na ating idinulog
Sa Hukuman upang ang lupang sinakop
Ng iba, at para mabawi mong lubos,
Ay kinakailangan pa manding gumastos
Tulad halimbawa na lang ni ‘yours truly’
Na napilitan ngang iakyat sa Korte
Ang kasong bagama’t hindi lubhang grabe,
Pero may himig na mang pananalbahe
Kasi nga ay kusa talagang binakod
Na aking karatig ‘lot owner’ ang sakop
Ng aking property nang walang pahintulot,
Kaya heto ngayon ako’y nagkagastos
Ng di lang pambayad sa kinuhang counsel
Na siyang hahawak sa aking usapin,
Kundi may ‘filing fee’ na dapat unahin
Puera ang pambayad sa ‘series of hearing’
At kung anu-ano pang idinadagdag
Liban sa iba pa na aywan kung ya’y VAT,
Na di rin naman gaanong maliwanag
Kung para saan ang dagdag na pahirap
Na kinokolekta mula sa complainant,
Plaintiff , petitioner o nitong sinumang
Nais magsampa ng kaso sa Hukuman
Para makamit ang mithing katarungan
Na kung saan tanging ang mga maykaya
At maimpluwensya ang puedeng magsampa
Ng kaso sa Korte, pagkat ang hustisya
Para sa dukha ay mailap kumbaga?
Sanhi na rin ng kalakaran sa Korte,
Na ang may pambayad nga lang ng ‘legal fee’
Ang may karapatan sa puntong nasabi,
Kaya anong maasahan pa ng pobre?
Para maidulog sa ating Husgado
Ang ninanais na maisampang kaso?
Kung kaya nga’t tapak-tapakan man ito
Ng mapera ay di makapagreklamo?
Kaya bandang huli, kahit may katuwiran
Ang isang dukha ay tameme na lang?
Kundi man pag-alsa laban sa lipunan
Nitong naghaharing uri ang hantungan?
Dahilan na rin sa animo ay wala
Ng sukat paglagyan ang maraming dukha,
Sanhi ng ganitong batas sa ‘ting bansa
Na tunay naman ding hindi patas yata?
Kailan pa posibleng magka -‘room for justice’
Itong kapos-palad nating anak-pawis,
Kung ni pambayad ng naturang ‘legal fees’
Para kasuhan ang sa kanya’y nanakit
Ay wala nga siyang makapa ni kusing
Sa kanyang lukbutan para sa hangaring
Makapag- ‘file’ man lang ng kaso sa ating
Bar of Justice upang mabigyan ng pansin?
Kaya tama lang si Justice Sec De Lima
Sa ipinag-utos nitong itigil na
Itong pagsingil ng napakataas na
Legal fee sa Korte para magkatsansa
Itong mahihirap na ipagsanggalang
Ang tama at legal nilang karapatan
Laban sa sinumang mapagsamantalang
Mga maykaya sa bulok na lipunan!!!