DENR walang ngipin laban sa ‘illegal logging’

    435
    0
    SHARE

    Kung totoong itong ating DENR
    Ay sadyang mahigpit sa kampanya laban
    Sa ‘illegal logging’ at pagmimina riyan,
    Imposibleng hindi nito malalaman

    Na patuloy pa rin sa pamamayagpag
    Itong kapural ng ganyang aktibidad,
    Pagkat sila’y hindi mga pipi’t bulag
    Upang di masilip ang laman ng gubat

    Kung talagang sila ay nagtatrabaho
    At ginagampanan nga nila ng husto
    Ang tungkulin bilang kawal ng gobyerno
    Laban sa ‘illegal’ at gawang di wasto.

    Maliban na nga lang kung sila pa mandin
    Na marapat maging kasangkapan natin
    Para maputol ang ganitong gawain,
    Itong kasapakat ng mga salarin

    Kung kaya anumang gawing paghihigpit
    Ng pamahalaan sa ganitong ‘practice’
    Ay bale wala lang at di nadarakip
    Ang nasa likuran o tunay na ‘culprit’.

    Lalo’t magmula sa pinakamababang
    Antas ng ika nga’y lokal na opisyal,
    Gaya halimbawa ng Punong Barangay,
    Ang alkalde at ang Sangguniang Bayan

    Kasama pati na rin ang Gobernador
    At iba pang opisyales sa Capitol
    Ay nakatatanggap ng kaukulang ‘Tong’,
    Natural lamang na di na kikibo ‘yon.

    (Posible rin namang magmula itaas
    Papuntang ibaba itong kasapakat,
    Kung marahil higit na maluwag
    Ang ‘illegal logging’ sa lahat ng oras)

    Kaya suma total, Inang Kalikasan
    Itong apektado… at ang resulta niyan
    Ay itong kawawa nating kababayan
    Ang pihong biktima n’yan sa kabundukan

    Kapag nagka-‘land slide’ bunsod ng paglambot
    Ng lupa kung saan natirik halos
    Ang kanilang bahay sa gilid ng bundok,
    Sanhi ng malakas na ulan o unos.

    Gaya ng nangyari kamakailan lamang
    Sa Cagayan de Oro at iba pa riyang
    May illegal logging at saka minahan,
    Kaya lumambot ng husto ang lupa riyan.

    Matatandaang ang bundok ng Arayat
    Ay naminsala rin noong nakalipas,
    Dulot din halos nitong kahalintulad
    Na pangyayari sa ibang komunidad

    Kung saan marami itong nangamatay
    Na residente sa isang barangay niyan,
    Bunsod nitong wala ring kapararakang
    Pagkalbo natin sa ating kabundukan.  

    Tulad na lang nitong sa General Tinio,
    Nueva Ecija at kung saan diumano
    Nakumpisa itong halos limang libo’ng
    Board feet ng kahoy di alam kung sino

    Ang may-ari nito ayon sa balita,
    Ay kataka-takang walang nakasita
    O nakapansin sa pamumutol yata
    Samantalang ito’y lubos na naibaba?

    Mula sa kung saang parte nitong bundok
    Na pinagkunan ng mga nagsi-hakot
    Sa naturang kahoy hanggang maipasok
    Sa isang bodega o kaninong ‘warehouse’.

    Humigit-kumulang sa naturang punto,
    Imposibleng walang kinalaman dito
    Ang ‘caretaker’ o itong may-ari mismo
    Ng bodegang ito sa General Tinio;

    Kaya marapat lang din naman marahil
    Na ang sino pa mang posibleng sangkot din
    Sa ganitong uri ng maling gawain
    Ay kinakailangan ng pagdadamputin.

    At pakantahin kung sinong nasa likod
    Ng walang taros na pagkalbo sa bundok,
    Upang sa ganun ay matigil ng lubos
    Ang ganyan oras na pumasok sa loob!!!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here