LUNGSOD NG CABANATUAN — Isinusulong ni Sen. Imee Marcos ang pansamantalang pagsuspinde sa value added tax (VAT) sa produktong petrolyo upang mabawasan ang epekto ng sunod-sunod na taas-presyo ng langis.
Ipinahayag ni Marcos ang panukala matapos pangunahan ang pamamahagi ng tig-P3,000 na aid to individuals in crisis situation (AICS) sa 4,000 benipisyaryo mula sa mga bayan ng Sto. Domingo, Aliaga, Laur, at Cabanatuan City sa Nueva Ecija nitong Huwebes.
Ayon kay Marcos, ang pag-alis ng VAT ay dapat gawin sa point of sale o mga gas station upang masiguro na mga consumer ang makikinabang.
“Nananawagan ako, ayaw man ng economic managers, sabi ko na ayusin natin ang pagta-tax ng mga oil products,” ani Marcos.
Nauna nang isinulong ni Marcos ang suspensiyon ng excise tax sa produktong petrolyo ngunit masyado umanong malaking halaga ang mawawala sa pondo ng gobyerno.
Posible pa raw na mga importer at mga dambuhalang kumpanya lamang ang makinabang sa ganoong hakbang.
Tinatayang nasa P7 kada litro ang mababawas sa presyo ng petrolium products gaya ng gasolina, diesel, at kerosene sa suspensiyon ng VAT.
“Sa isang araw dalawang piso ang itinaas ng langis…nakakasindak,” dagdag ng senadora na kapatid ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr.
Karaniwang ipinatutupad ng mga oil company ang price adjustment sa araw ng Martes.