Home Opinion Judith

Judith

1041
0
SHARE

MINSAN MAY nagtanong sa akin na isang knock-knock joke. Di ko na-pick-up. Sabi niya, “Knock-knock po bishop.” Sagot ko, “Who’s there?” Sabi niya, “Magbayad na po kayo agad ng electric bill nyo.” Sagot ko, “Bakit?” Sabi niya, “E, Judith na po.” Nagtawanan ang ibang nakikinig, pero di ako natawa. Iniisip ko pa kung ano yung Judith. “Due date” pala; deadline ng pagbabayad. Iyan ang tipo ng joke na Pinoy lang talaga ang makakaintindi.

Actually, kung babalikan natin ang parable sa Gospel natin Judith (due date) lang naman ang ipinapakiusap ng katulong sa amo. Ibig sabihin, na ma-postpone lang nang kaunti ang takdang araw ng pagbabayad. Hindi naman hiningi ng katulong na patawarin siya. Pero higit pa sa pakiusap niya ang ibinigay ng amo. Hindi lang postponement ng Judith (due date). Pinatawad ang buong pagkakautang niya! Wow, ang swerte niya!

Pero, bakit sa bandang huli binawi daw ng amo ang patawad? Kasi nalaman niya ang ginawa ng katulong sa kapwa niya katulong na mas mahirap at may utang sa kanya. Wow, nagpapautang pala itong taong ito na may utang! At mas malupit kesa amo niya – kahit di hamak na mas maliit daw ang utang ng kapwa katulong sa kanya, kahit nagmakaawa at humiling ng postponement ng “Judith” (due date), hindi niya pinagbigyan. Ipinakulong daw niya at pinwersang magbayad. Kaya pala binawi ng amo ang patawad niya. Mapang-abuso pala ang alipin na ito sa kapwa niya alipin.

Kung minsan may mga taong may tendency na i-romanticize ang mga mahihirap. Kaya tuloy nadadala sila kapag nakakatuklas sila ng ganito. Feeling baga nila parang niloko pala sila; na hindi pala dapat pinagbibigyan ang bawat humihingi ng tulong. Kung ikaw nga naman ang nasa kalagayan ng among nagpatawad, pag nalaman mong ito palang tinulungan mo ay manggagantso at malupit sa kapwa dukha, parang madadalâ ka, di ba?

Dahil mahilig akong mag-“reading between the lines,” may kutob ako na may nadiskubre ang amo sa kuwento. Na kaya pala hindi makabayad ng utang itong katulong na pinautang niya na walang interes, ipinauutang din pala niya ito sa mga mas gipit ang kalagayan at pinapatungan pa ng malaking interes. Usurero pala siya at ang ginagamit niyang puhunan ay ipinahiram lang sa kanya. Alam naman natin na sa buhay ng mga dukha, maraming beses nalalagay sila sa desperadong sitwasyong tinatawag nating “kapit sa patalim.” Uutang, tapos pag walang pambayad, uutang din ng pambayad, hanggang hindi na makabayad sa sangkaterbang utang dahil may patong pang malaking interes o patubo na dapat bayaran lalo na kung five-six.

Talaga namang nakakadismaya kapag nalaman mo na ang taong kinaawaan mo ay wala palang awa sa iba, di ba? Kapag ang tinulungan mo ay manggagantso pala at mapagsamantala sa iba, ang pinatawad mo ay wala palang patawad sa iba. Di lang iyon, ginamit pa pala niya ang perang inutang para ipautang at patubuan ng mas malaki sa mga taong mas gipit pa mandin ang kalagayan sa buhay.

Pero teka, parang hindi consistent ang Gospel, di ba? Akala ko ba dapat maging handang magpatawad, “seventy times seventy times”? Ibig sabihin, na dapat “unli” ang forgiveness? Ganoon pala, e bakit binawi ang patawad sa kuwento? 

Sa tingin ko, kaya binawi dahil naisip ng amo na nagkamali siya ng tinulungan; na hindi patawad ang nararapat sa mga humihingi ng malasakit pero wala ni katiting na malasakit sa kapwa. Kung ia-apply natin ito sa sinabi ng aklat ni Ecclesiastes sa Bibliya (Ecclesiastes 3): “May panahon para MAGPATAWAD, at may panahon para MANINGIL.”

Ang mas kailangan ng malupit na katulong ay malasap muna ang ipinalalasap niya sa iba. Teka, hindi ba paghihiganti iyon? Parang paghihiganti; pero hindi. Dahil ang hangad mo ay turuan siya, hindi sirain ang pagkatao niya. Dahil may malasakit ka pa rin sa kanya, dahil gusto mong mamulat siya sa pagkakamali niya. Prinsipyo din pala iyan ng kaharian ng Diyos. Kaya pala binigyan si San Pedro ng susi; simbolo ito ng dalawang gawain: palayain ang dapat mapalaya; papanagutin ang dapat managot.

Kaya pala sa panalangin na itinuro ni Hesus sa atin sinasabi natin, “At patawarin mo ang aming mga sala; GAYA NG pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin.” Para na rin nating sinabi, “Paano kami hihingi ng patawad para sa aming mga kasalanan kung hindi kami marunong magpatawad sa mga nagkasala sa amin?”

“GAYA NG pagpapatawad namin…” Binigyan tayo ng Diyos ng GAGAYAHIN—si HesuKristo, ang Anak ng Diyos na nag-alay ng kanyang buhay sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng sanlibutan. Ang pinatatawad ay tinuturuang magpatawad. Ang binibigyan ay tinuturuang maging mapagbigay. Ang inuunawa ay dapat maging mapag-unawa. Ang minamahal ay dapat maging mapagmahal—hindi ganid, hindi malupit, hindi mapagsamantala sa maliliit.

Sa Salmo 130:3 inaawit ng manunulat, “Panginoon, kung tatandaan mo ang aming mga atraso, sino kaya sa amin ang matitira?” Tandaan, lahat naman tayo may Judith (due date), kaya mag-iingat tayo sa pagmamalupit sa kapwa. Di ba’t sinabi rin ni Hesus sa Sermon sa Bundok, “Huwag humatol at kayo’y di hahatulan. Susukatin kayo ayon din sa panukat na ginagamit ninyo sa iba.”

(Ika-24 Linggo ng Karaniwang Panahon, 17 Setyembre 2023, Mat 18:21-35)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here