Home Headlines P1.3-M nakolekta ng SSS sa mga isinagawang RACE operation sa Nueva Ecija

P1.3-M nakolekta ng SSS sa mga isinagawang RACE operation sa Nueva Ecija

440
0
SHARE

SANTA ROSA, Nueva Ecija (PIA) — Humigit P1.3 milyon ang nakolekta ng Social Security System (SSS) Cabanatuan Branch sa mga isinagawang Run After Contribution Evaders (RACE) operation sa Nueva Ecija.

Ito ay mula sa 23 establisyemento na binisita ng ahensiya simula taong 2022 hanggang nitong Hunyo 2023.

Ayon kay SSS Cabanatuan Branch Head Jose Rizal Tarun, layunin ng RACE na ipaalala ang responsibilidad ng mga employer na nakalilimot sa wastong paghuhulog ng kontribusyon para sa kanilang mga empleyado.

Aniya, nakikitang epektibo ang pamamaraan ng ahensiya ngayon na hangad mapangalagaan din ang kapakanan ng mga employer.

Gayunpaman ay hindi nila dapat pabayaan ang obligasyon para sa mga empleyado na kung saan nakasalalay ang pagkuha ng mga benepisyo at pribilehiyo lalo na sa oras ng pangangailangan.

Iniulat ng Social Security System ang resulta ng mga isinagawang Run After Contribution Evaders operation sa Nueva Ecija. Ito ay pinangunahan nina SSS Officer-in-Charge for Luzon Central I Primitivo Verania Jr. (gitna) kasama sina Cabanatuan Branch Head Jose Rizal Tarun (kanan) at Assistant Branch Head Maria Fe Abraham (kaliwa). (Camille C. Nagaño/PIA 3)

Sa naitalang datos ng branch nitong Hunyo ay umabot na sa humigit 4,000 ang mga delingkwenteng employer na mayroong pagkukulang na humigit P76 milyon kontribusyon para sa 15,114 na empleyado.

Paglilinaw naman ni SSS Officer-in-Charge for Luzon Central I Primitivo Verania Jr., maituturing na delinquent ang employer na hindi nakapagbayad ng kahit isang buwang kontribusyon.

Nakapaloob aniya sa Batas Republika Bilang 11199 o ang Social Security Act of 2018 ang responsibilidad ng bawat employer sa pagpaparehistro ng negosyo sa SSS, pagpapatala ng lahat ng mga empleyado kasama ang regular na remittance ng kanilang kontribusyon.

Ito ang ipinaaala lagi ng ahensiya sa mga isinasagawang RACE Campaign upang maiwasang umabot sa pagkakaroon ng kaso na magiging dagdag pa sa gastusin at alalahanin ng mga employer.

Ang panawagan ni Verania sa lahat ng mga employer ay isipin ang kapakanan at karapatan ng mga kawani na makikinabang sa paghuhulog ng kontribusyon sa SSS.

Kaniyang paalala ay umiwas sa mga fixer bagkus ay direktang makipag-ugnayan sa pinakamalapit na branch ng SSS upang mabigyang solusyon ang mga kulang na buwanang hulog.

Kabilang sa mga pamamaraan upang mabayaran ang mga kulang na kontribusyon sa SSS ay ang Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program at installment payment scheme. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here