Kinukumbinse ni CENRO Castillo (kaliwa) ang asawa ni Bugarin sa Sitio Liw-liwa, Barangay Sto Nino, San Felipe na alisin na ang kanilang bahay na itinayo sa lupaing nasasakupan ng DENR.
KUHA NI JOHNNY R. REBLANDO
SAN FELIPE, Zambales — May 10 mga bahay sa tabing dagat itinayo sa loob ng may limang ektaryang lupain sakop ng National Greening Program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nakatakdang i-demolish ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Olongapo, sa Sitio Liw-liwa, Barangay Sto. Nino, sa bayang ito.
Ayon kay CENRO Olongapo City, Marife Castillo, 2012 pa nagsimula na nilang inabisuhan ang mga residente na huwag magtayo ng bahay sa lugar na sakop ng National Greening Program at naglagay na sila ng babala ngunit lalo pang dumami ang nag-okupa ng lote sa salvage zone area.
Dugtong ni Castillo, “yung maakpektuhan, sorry to say, talagang affected po, i-voluntarily dismantle na nila yung kanilang bahay para hindi na sila gumastos pa”.
Ipinakita ni Castillo ang mapa kung gaano kalawak ang sakop ng Greening Program kung saan nakapasok ang ilang bahay sa nasabing lupain na pagmamay-ari ng gobyerno.
Kabilang sa mga pinaalis na bahay ay ang pagmamay- ari ni Ferdinand Bugarin na nasasakupan ng Greening Program ng DENR at sakop ng San Felipe Municipal Tourist Development batay sa Resolution 2011-022-B.
Pinaaalis din ang bahay ni Zareyna Guttierez ng Pansol, Laguna na nakabili ng lupa sa pamagitan ng “Deed of Waiver and Renunciation of Real Right” sa halagang P200,000 sa mag-asawang Patrocinio at Adona Racil ng Sitio Liw-liwa, Barangay Sto. Nino, San Felipe, Zambales at pinagkalooban din ito ng certifi cation matapos umanong magbayad ng halagang P100,000 sa Barangay Sto Nino.
Nabatid na sa buong Central Luzon tatlo lang ang may foreshore lease, ito ay ang Aurora, Bataan at Zambales.
Ang Zambales ang siyang may pinakamaluwang na “acreation” ng lupa mula nang pumutok ang Mt. Pinatubo noong 1991. Kaugnay nito, isang Inter-Agency Task Force Coastal ang bubuuin ni Castillo mula Olongapo City hanggang San Felipe, Zambales, kabilang ang DENR, DPWH, LGU, PPA at PNP para maprotektahan ang mga lupain na sakop ng National Greening Program ng DENR batay sa Executive Order No. 26 na nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino lll noong February 24, 2011.