LUNGSOD NG MABALACAT — Maganda daw para sa Pilipinas at Estados Unidos ang nakatakdang bilateral meeting nina Pangulong Bongbong Marcos, Jr. at U.S President Joe Biden sa May 1.
Ayon kay dating Department of National Defense Secretary at ngayo’y Bases Conversion and Development Authority chairman Delfin Lorenzana, maganda na nagkakaunawaan ang mga leader at mapag-usapan kung ano ang mga dapat gawin kung paano mapaunlad ang dalawang bansa.
Naniniwala naman si Lorenzana na walang magiging hindi magandang reaksyon ang bansang China sa pagpupulong na ito dahil nauna naman na nakipag-usap sa China si Marcos Jr.
Dapat din aniya na pumupunta ang pangulo sa ibang bansa para patas ang trato sa mga ito.
Ang reaksyon ni Lorenzana ay kaugnay ng inanunsyo ni White House Press Secretary Karine Jean-Pierre na magkakaroon ng bilateral meeting sina Biden at Marcos sa susunod na linggo.