LUNGSOD NG OLONGAPO – Dinakip ng mga tauhan Zambales Criminal Investigation and Detection Team (ZCIDT) ang dalawa katao na iligal na nagbibiyahe ng mga forest products (uling) sa lalawigan ng Zambales.
Kinilala ni Chief Inspector Virgilio Rubio, ZCIDT provincial director, ang mga suspek na sina Romeo Calma, 55-anyos, residente ng Purok 2, Tipo, Hermosa, Bataan at Jesus Dela Cruz, 35-anyos ng Maycaban, Nueva Ecija.
Ang pagkakasakote sa mga suspek ay batay sa pinaigting na kampanya ng ZCIDT na “Oplan Kalikasan”’.
Ang mga nasabing uling ay sakay sa isang Izuzu Elf truck na may plakang WKL-464 na minamaneho ni Calma.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, ang mga uling ay nagmula sa San Antonio, Zambales at nakatakda itong i-deliver sa Pampanga nang ito ay masabat ng ZCIDT sa tulong ng Zambales Highway Patrol Team (PHPT).
Wala din maipakitang mga dokumento ang mga suspek na nagpapatunay na iligal ang kanilang mga kargamento.
Narekober ng pulisya ang may 100 sako ng uling na nagkakahalaga ng P12,000.
Ang mga nakumpiskang uling ay nasa pangangalaga na ng ZCIDT at naka takda itong i-turn over sa Department of Environment and Natural Resources o DENR.