SIKAD Subic 2012: No to Coal Plant, Part 2

    525
    0
    SHARE

    OLONGAPO CITY — Nagsasama-sama ang mga environmental advocates para sa isang run-for-a-cause upang ipakita ang kanilang adbokasiya na iligtas ang Subic Bay sa pamamagitan ng isang family fun run na pinamagatang SIKAD Subic 2012 at ituloy ang pagtutol sa pagpapatayo ng coal-fired thermal plant sa Redondo Peninsula, Barangay Cawag, Subic, Zambales.

    Matatandaan na noong Agosto 29, 2011, nagsanib puwersa ang mga iba’t-ibang political leaders ng Olongapo at Zambales kung saan may 3,000 ang pumirma at nakiisa kabilang na ang government agencies, NGOs, school at iba’t-ibang sector ng lipunan para tutulan ang pagpapatayo ng planta.

    Nagsisimula ang SIKAD Subic sa East Tapinac Oval Track ganap na 6:30 ng umaga kung saan 3-kilometers at 5-kilometers na daan ng Olongapo pabalik ng oval ang tinakbo ng mga lumahok.

    Upang mas maipaliwanag sa mga kalahok ang posibleng masamang epekto ng coal-fired power plants sa tao at kumunidad sa paligid ng Subic Bay, isang mini musical program, poster at mural painting contests at photography exhibition ang ginanap bilang bahagi ng SIKAD Subic.

    Isa sa mga sumali sa painting contest ay si Angel Otom, 8-anyos at estudyante ng Wesleyan School sa Barangay Barretto, Olongapo City.

    Bagamat may kapansanan ito, ay kakaiba ang talino sa pagpinta gamit ang kanyang mga paa na siyang nagsisilbing mga kamay. Kasama din ni Angel ang kanyang ama na si Marlo sa painting contest.

    Ayon naman kay Jen Velarmino ng Task Force Residents of the Freeport for a Safe Subic, wala silang natatanggap na anumang impormasyon at ni isa man lang sa kanilang katanungan ay walang sumasagot hingil sa isyu ng coal plant kung kaya naisipan nilang makiisa sa adbokasyang “No to Coal Plant”.

    Nanawagan din si Velarmino kay Pangulong Aquino na sana naman ay pakinggan ang hinanaing ng mga apektadong residente sa pagpapatayo ng coal plant.

    Sa panig naman ng simbahan, sinabi ni Francis Mercado ng Olongapo City Christian Minister Association na wagas ang pagtutol ng buong Evangelical Church ng Olongapo at Zambales sa pagpapatayo ng planta.

    Panukala pa lamang ang pagpapatayo sa 300-megawatt coal-fired thermal plant ng RP Energy ay mahigpit na ang pagtutol dito at lalo pang nadagdagan dahil sa gagawin na itong 600 megawatts.

    Ayon kay Zambales Vice Governor, Ramon Lacbain na lalo pang tumindi ang pagtutol at nagpasa na sila ng board resolution kasabay ng panawagan sa SBMA na sampahan ng kaso ang mga dating SBMA Board na siyang nag-apruba sa lease agreement ng RP Energy.

    Sinabi pa ng bise gobernador na ang Subic ay kilala bilang tourist destination at kung magpapatuloy ang coal plant ay masisira ang kalikasan ng bayan. Ani pa ni Lacbain kung expansion lamang ng coal plant ang kailangan bakit hindi pa natin ipagpatuloy sa Masinloc coal plant.

    Ayon naman kay Congressman Walden Bello ng AKBAYAN, dapat magkapit-bisig ang national, local at provincial government officials para sa pagtutol sa planta.

    Nanawagan naman si Alex Hermoso ng PREDA Foundation na dapat ng kansilahin ng DENR ang naunang ipinagkaloob na environmental compliance certificate sa RP Energy.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here