Fishing boat nilamon ng dambuhang alon

    362
    0
    SHARE

    SAN ANTONIO, Zambales —Patay ang asawa ng isang mangingisda nang lamunin ng dambuhang alon ang kanilang bangkang de-motor sa baybayin ng Barangay Pundakit, San Antonio, Zambales.

    Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Sr. Inspector Jelson Dayupay, hepe ng San Antonio Police Station, kinilala ang biktimang si Gina Pradilla, 46-anyos at residente  ng Ternate, Cavite.

    Ayon sa ulat sakay ang biktima sa bangkang “Lady Kaye” kasama ang asawang si Dentor Pradilla at pamangkin na si Ruel habang nangingisda malapit sa Capones Island nang biglang lamunin ng dambuhalang alon ang bangkang sinasakyan.

    Batay sa pahayag ni Dentor, kalmado ang dagat nang maglatag sila ng lambat sa may lalim na hanggang baywang, subalit laking gulat na lamang ng mga ito ng lumitaw bigla ang dambuhalang alon.

    Ayon pa kay Dentor nadurog ang kanilang bangka kung kaya nalunod ang kanyang asawa.

    Si Dentor ay nagtamo naman ng mga gasgas sa binti matapos na ito ay magpagulong-gulong sa ilalim ng tubig habang ang pamangkin nito ay nakalangoy patungo ng pampang.

    Sinabi pa ni Dentor na may anim na araw na silang nangingisda sa baybayin ng Bataan at Zambales bago naganap ang insidente.

    Ayon sa mga residente, makailan ulit na ang insidente ng paglaki ng alon sa nasabing lugar at nitong nakalipas na taon isa ang nasawi sa limang magkakaibigan na taga-Laguna nang lamunin din sila ng dambuhalang alon.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here