Home Headlines San Miguel, Bulacan police chief patay sa pamamaril

San Miguel, Bulacan police chief patay sa pamamaril

741
0
SHARE
Lt. Col. Marlon Serna. Photo courtesy San Miguel Police Station

SAN MIGUEL, Bulacan — Patay sa pamamaril ang hepe ng kapulisan ng bayang ito matapos na paputukan ng dalawang magnanakaw sa Barangay San Juan.

Ang napatay ay kinilalang si Lt. Col. Marlon Serna, hepe ng San Miguel Police Station, habang sugatan din sa pamamaril ang driver nito nang makasagupa nila ang dalawang hindi pa nakilalang mga salarin sa isinagawang hot pursuit operation.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng reklamo ang istasyon ng San Miguel nitong Sabado ng gabi na isang pagnanakaw ang naganap sa Barangay San Juan.

Agad na rumesponde ang kapulisan sa pangunguna ni Serna at sa madilim na bahagi ng Barangay Buhol na Mangga sa katabing bayan ng San Ildefonso ay makasalubong nila ang dalawang suspek na lulan ng motorsiklo.

Sakay noon ng kulay itim na pick-up si Serna na agad na bumaba ng sasakyan ngunit agad na pinaputukan ng mga salarin at tinamaan ng bala sa ulo.

Isinugod pa si Serna sa Emmanuel Hospital ngunit kalaunan ay namatay din habang nilalapatan ng lunas.

Habang ang mga hindi nakilalang salarin naman ay mabilis na tumakas sa direksyon ng Barangay Akle sa San Ildefonso.

Patuloy pa ang imbestigasyon at pagtugis ng kapulisan sa dalawang nakatakas na salarin at ayon kay Bulacan police director Col. Relly Arnedo ay naglaan na ang Department of Interior and Local Government, PNP, at Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng P1.2 million bilang pabuya sa ikadarakip ng mga ito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here