TALAVERA, Nueva Ecija – Kalaboso ang binagsakan ng isang 30-anyos na lalaki mula sa Cabanatuan City nang mahulihan umano ng P144,000 halaga ng marijuana sa buy-bust operation sa Barangay Sampaloc ng bayang ito pasado alas-2 ng umaga nitong Feb. 28.
Nakilala ang suspek na si Ernest Rae Laoagan, residente ng Barangay Magsaysay Norte, Cabanatuan City.
Ayon sa pulisya, matagumpay na nakabili ang kanilang undercover na operatiba ng tatlong plastic wraps ng marijuana na nagkakahalga ng P35,000 mula kay Laoagan.
Matapos maaresto ay nasamsam umano mula sa posesyon ng suspek ang karagdagan pang pinatuyong dahon ng marijuana na nakasilid sa iba’t ibang lalagyan na sa kabuuan ay may tinatayang timbang na 1.2 kilos at nagkakahalaga ng P144,000.
Narekober din mula sa suspek ang P500 na genuine at 20 piraso ng computer-generated na P500 bills na ginamit sa buy-bust operation, batay sa ulat ng Talavera police station kay Nueva Ecija police acting director Col. Richard Caballero.
Kinumpiska na rin ng mga otoridad ang isang bagong sedan (NDO 7379) na ginamit di-umano sa pagbibiyahe nh iligal na droga.
Isinagawa ang buy-bust operation matapos ang ilang linggo ng pagmamanman sa aktibidad ng suspek, ayon pa sa ulat.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o RA 9165 ang naturang suspek na naditine sa custodial facility ng pulisya.