Home Headlines Makabagong Sea Ambulance para sa mga pasyente sa latian ng Bulacan, inilunsad

Makabagong Sea Ambulance para sa mga pasyente sa latian ng Bulacan, inilunsad

401
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) – Maglalayag na ang makabago at mas malaking Sea Ambulance na binili ng Kapitolyo para sa mga pasyente na nasa latian ng Bulacan.

Ito ang ipapalit sa makitid at maliit na bangka na nagsilbing sea ambulance sa nakalipas na maraming taon.

Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, minarapat ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na maglaan ng nasa walong milyong piso upang maipagawa ang nasabing sea ambulance bilang bahagi ng patuloy na pagkakaloob ng mataas na antas ng serbisyong pangkalusugan sa mga Bulakenyo.

Pormal nang inilunsad ang mas malaki at makabagong Sea Ambulance na maghahatid at susundo ng mga pasyente na nasa latian ng Bulacan. Idedestino ito sa Pamarawan District Hospital sa isla ng Pamarawan sa lungsod ng Malolos, Bulacan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Bagama’t idedestino ito sa Pamarawan District Hospital na nasa isla ng Pamarawan sa lungsod ng Malolos, uubra nitong masundo at maihatid ang mga pasyente sa iba pang mga isla sa lalawigan gaya ng Ubihan sa Meycauayan, Masukol sa Paombong at Pugad sa Hagonoy.

Ipinaliwanag ni Alfredo Agmata, pinuno ng Pamarawan District Hospital, na bagama’t handa ang ospital na ito sa mga agarang pangangailangang pangkalusugan ng mga taga latian, may mga pasyente pa rin na kailangang madala sa mas malalaking ospital na nasa kalupaan ng Bulacan.

Halimbawa na rito ang mga buntis na manganganak sa pamamagitan ng caesarean section.

Ang sistema aniya, susunduin ang pasyente mula sa isla kung saan ito naninirahan at ibibiyahe patungo sa isang pantalan gaya ng Panasahan Port sa Malolos.

Dito sasalubungin ang pasyente ng land ambulance na maghahatid naman sa kanya sa mga mas malaking ospital gaya ng Bulacan Medical Center.

Sa isang pangunahing ruta sa latian ng Bulacan, aabot hanggang 30 minuto ang biyahe ng karaniwang mga bangka mula sa Panasahan Port patungo sa Pamarawan Port.

Sa pamamagitan naman ng Sea Ambulance, kaya nitong maglayag sa loob lamang ng 15 minuto na gamit ang ikinabit na brand new na makina rito mula sa Japan.

Handa itong maghatid ng mga pasyente sa loob ng 24 oras.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Fernando na posibleng madagdagan ang sea ambulance upang mas marami pa ang maabot na mga Bulakenyo sa latian na nangangailangan ng agarang gamutan. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here