Home Opinion Katapusan

Katapusan

647
0
SHARE

“MANATILING GISING. Hindi ninyo alam ang araw ng pagdating ng Panginoon.”

Ang Gospel reading ngayon ay tungkol sa mga bagay na hindi natin alam, kung ano ang darating, kung ano ang mangyayari bukas. Ang alam lang natin ay ang mga bagay sa nakaraan, mga biglaang pangyayari na marahil ay hindi natin napaghandaan – mga biglaang kalamidad, katulad ng lindol, pagputok ng bulkan, biglaang pagbaha, o mga sunog na hindi inaasahan. At kung gaanong perwisyo ang pwedeng idulot ng mga ganitong pangyayari, pati na ang pagkawala ng kabuhayan, biglaang pagkamatay ng mga mahal sa buhay, pagkasira at pagkawasak ng lahat ng naipundar.

Maraming tumulong sa mga nasunugan sa Navotas, pero isa sa mga tulong na iminungkahi ko sa parish priest ay post-trauma counselling. Pwede kasing mangyari na napakatindi ng traumang naranasan ng mga biktima, mananatili ang kanilang pagkabiktima, mahihirapang makabawi. Sabi ng matatanda, “Masira na ang lahat sa buhay mo, huwag lang ang loob mo.” Kapag nasiraan nga naman ng loob ang tao, parang hanggang doon na lang siya, parang wala nang bukas.

Nakakatulong ang pagbabalik-tanaw at ang mga aral na pwedeng matutunan sa mga nangyari na sa nakaraan. Natutulungan tayo sa kasalukuyan na maging handa para sa mga bagay na hindi natin alam na puwedeng mangyari sa hinaharap. Kaya nga mayroong mga disaster-preparedness drills – hindi naman para takutin tayo kundi para alam na natin kung sakaling mangyaring muli kung ano ang gagawin, dahil hindi naman talaga tayo sigurado sa mga bagay na pwedeng mangyari sa hinaharap. 

“Pagdating” ang literal na kahulugan ng salitang ADBIYENTO, mula sa Latin ADVENTUS. Ito ang apat na Linggo ng ispiritwal na preparasyon ng mga Kristiyano para sa pagdating ng Kapaskuhan. Kulay ube ang Adbiyento, ang kulay ng penitensya sa ating mga Kristiyano. Kakulay ito ng Kuwaresma na paghahanda naman para sa Pagkabuhay. Paalala ng simbahan na kung ibig natin maranasan ang ligaya ng pagkabuhay, dapat tayong dumaan sa penitensya ng Kuwaresma. Gayundin, kung ibig nating maranasan ang ligaya ng Pasko, dapat tayong dumaan sa penitensya ng Adbiyento.

Kaya nanghihinayang ako, dahil ito ang panahon na halos hindi maramdaman dito sa atin sa Pilipinas. Bakit? Dahil masyado nating minamadali ang Pasko. Hindi pa nga nag-uundas, Pasko na sa mga malls. At nalulungkot ako kapag pati mga taong sanay naman sa pagsisimba ay nagpapadala na rin sa komersyalismo, para daw sulit ang gastos ng Pasko. Nawawalan tuloy ng kahulugan. Nakakaligtaan na natin na ang pinaghahandaan natin ang pagdating ng Diyos sa ating piling, ang Diyos na pumasok sa kasaysayan natin bilang isang taong katulad natin, Diyos na nailakbay sa atin.

Nakakalimutan natin na ang pagdating na pinaghahandaan natin sa adbiyento ay may tatlong panahon: kahapon, ngayon at bukas, o nakaraan, kasalukuyan, hinaharap. Dumating si Kristo nang isilang siya sa Bethlehem. Ang nakaraan kapag binabalik-tanaw sa alaala ay maaaring sariwaing muli sa ngayon. 

Pero sa Adbiyento ipinahahayag din natin na darating siyang muli sa hinaharap, sa wakas ng panahon, hindi natin alam kung kailan. Sinasabi natin sa Kredo, “Siya ay muling paririto at huhukom sa nabubuhay at nangamatay na tao.” Hindi lang pagdating kundi PAGPARITO. 

Ang pangatlong panahon na pinaghahandaan natin sa Adbiyento ay ang pinakamahalaga: hindi kahapon, hindi bukas, kundi ang NGAYON. Ito ang narinig nating sinabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. “Ngayon na ang panahon upang bumangon sa pagtulog. Nalalapit na ngayon ang ating kaligtasan…”

Kapag bata pa tayo, ang lakas ng tukso na ipagwalang-bahala ang kasalukuyan dahil akala mo marami ka pa namang panahon. Kapag talagang inisip natin na malayo pa ang katapusan o ang pagdating ng hinihintay na deadline, malakas ang tendency natin na ipagpaliban para bukas ang mga bagay na puwede na sanang gawin ngayon. Saka lang tayo nagpa-panic kapag tumanda na tayo at biglang napaisip, kaunti na lang pala ang natitira nating panahon. Para tayong mga istudyanteng tutulog-tulog sa exam at biglang magugulantang sa titser na nagsasabing, “Oras na. Tapos o hindi tapos, ipasa ang papel.”

Kung medyo kaedad ko kayo, palagay ko matatandaan ninyo ang isang Kodak commercial na sumikat dahil sa maramdaming kanta na kasabay nito: “Good morning yesterday, you wake up and time has slipped away…” Ang magandang umaga’y nagiging kahapon. Paggising mo lumipas na pala ang panahon.

Ang kasabay na video ay isang nakatatanda na nagbabalik-tanaw sa nakaraan sa pamamagitan ng mga lumang litrato. Binabalikan sa alaala pati ang maraming mga posibilidad na puwede pa noon pero lumipas na ngayon. Sabi nga ni Noel Cabangon, “Pana-panahon ang pagkakataon, maibabalik ba ang kahapon?” At ang punto niya ay simple lang. Isang paalala na “Lumilipas ang panahon.”

Ang sikreto ng hinaharap ay ang pagkamulat na napakabilis lumundag ng bukas sa kahapon, lalo na kung hindi natin isinasabuhay at pinagyayaman ang ngayon. Kaya nagpapaalala si San Pablo sa ating ikalawang pagbasa na huwag maging kampante, huwag sayangin ang panahon, huwag magsawalang bahala na para bang laging nandiyan ang pagkakataon. Mabilis mawala.

Ito ang dahilan para sa Adbiyento. Ito ang panahon na dapat itanong sa sarili, “Kung alam mo lang na iyon na pala ang huli ninyong pagkikita ng kaibigan mo, o ng mga magulang mo, o ng mahal mo sa buhay ano kaya ang ginawa mo? Kung alam mong may taning na ang buhay mo, paano mo gagamitin ang natitira mong panahon? Kung alam mong magugunaw na ang mundo o magwawakas na ang daigdig sa loob ng isang linggo, paano mo gugugulin ang pitong huling araw na natitira sa buhay mo?

Ang pinakamahalagang pagdating na dapat paghandaan sa adbiyento ay hindi kahapon o bukas kundi ngayon.

Di ba sabi ng kinakanta natin sa simbahan, “Minsan lamang ako daraan sa daigdig na ito. Kaya anumang ang mabuting maaaring gawin ko ngayon o anumang kagandahang-loob ang maari kong ipadama, nawa’y huwag kong ipagpaliban, (sana ay magawa ko na ngayon), sapagkat di na ako daraan pang muli sa ganitong mga landas.”

Kaya siguro ang pangalan ng Diyos para sa mga Hudyo ay YAHWEH, na ang ibig sabihin ay I AM, hindi I WAS (past tense) at hindi I WILL BE (future tense). Siya ang Diyos ng walang hanggang NGAYON, walang simula, walang katapusan. Hindi tayo pwedeng makiisa sa buhay na walang hanggan kung hindi natin isinasabuhay ngayon ang maikling panahon na bigay niya sa atin.

Sa mga misa sa patay ang homily ko ay para sa mga buhay, sa mga taong mayroon pang panahon at marami pang pwedeng gawin ngayon. Pwede pang samantalahin ang dumarating na pagkakataon, pwede pang itama sa kasalukuyan ang mga pagkakamali ng nakaraan, pwede pang isantabi o talikuran ang mga pagsisisi at mga hinanakit, pwede pang piliin na naging masaya at magpasaya ng iba, pwede pang mabigyan ng bagong kabuluhan ang buhay, pwede pang namnamin ang bawat sandali, bago ito lumipas, bago sumapit ang katapusan.

(Homiliya para sa Unang Linggo ng Adbiyento, 27 Nob. 2022, Mateo 24:37-44)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here