Home Headlines Palamuting pamasko sa Mariveles umaakit ng maraming tao

Palamuting pamasko sa Mariveles umaakit ng maraming tao

801
0
SHARE
Belen sa Mariveles municipal hall. Kuha ni Ernie Esconde

MARIVELES, Bataan — Kabubukas pa lamang ng Christmas lights at ibang mga palamuting pamasko sa municipal hall dito at paligid nito ay hindi na magkamayaw ngayong Linggo sa dami ng taong bumibisita.

Tinagurian ito ni Mayor Ace Jello Concepcion na “Pamasko ng Pamilyang Mariveleño” na naglalayon na agad madama ng mga tao ang diwa ng nalalapit na Kapaskuhan na kinasabikan dahil sa pandemya na dulot ng coronavirus disease. 

Isang malaking Christmas tree na puno ng palamuti at mga ilaw ang nasa isang tabi ng municipal hall compound. 

May nagniningning na mga arko na hugis bituin at iba pang hugis. May malalaking kahon na waring mga panregalo sa nanay at iba pang katawagan sa isang ina at iba pa. Isang malaking belen tulad ng iba pang dekorasyong Pamasko ang dinudumog ng mga tao. 

Tila walang sawa ang mga bisita sa kuhanan ng litrato sa bawat palamuti. Siyempre, hindi mawawala ng tindang mga juice at pagkain. 

Sari-saring ilaw sa barangay hall ng Alion. Kuha ni Ernie Esconde

Samantala, hindi nagpapahuli ang isang upland barangay sa Mariveles kung pag-uusapan ang maagang pagkakaroon ng palamuting pamasko.

Pangkaraniwan sa ibang barangay ang pagbuhay ng ilaw ng Christmas décor pagsapit ng unang araw ng Disyembre o sa pagsisimula pa ng Simbang Gabi sa Disyembre 16. Ang Barangay Alion ngayon pa lamang ay handang-handa na sa Pasko.

Sa pangunguna ni punong barangay Al Balan, binalot ng nagniningning na Christmas lights ang barangay hall at ibang gusali ng barangay.

Ang katabi namang malaking covered court ay abalang-abala sa dami ng manlalaro ng basketball. Waring sinusulit lalo na ng mga kabataan ang panahong nawala sa kanila dahil sa pandemya. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here