MARIVELES, Bataan — Natagpuan ang mga bangkay ng dalawang lalaki na may mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa isang bulubunduking bahagi ng Barangay Camaya sa bayang ito Lunes ng hapon.
Kinilala ni Bataan police director Col. Romell Velasco ang mga biktima na sina Edward Ramos alias Paputs at Willy Versoza.
Si Ramos diumano ay kabilang sa unified drug watchlist ng pulisya sa Sisiman samantalang si Versoza ay nasa unified drug watchlist naman ng Camaya, parehong mga barangay sa Mariveles.
Ang dalawang bangkay ay natagpuan sa Sitio Forestry ng isang magsasaka na papunta sa kanyang lupa at kaagad na inereport sa municipal marshall’s office na ipinaalam naman sa pulisya ng Mariveles.
Ang mga biktima sa pagsusuri ng pulisya ay kapwa may mga tama ng bala ng baril sa ulo at ibang bahagi ng katawan, sabi ni Velasco.
Sinabi ni Lt. Col. Emelito dela Cruz, Mariveles police chief, na patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.