Home Headlines DOT-DPWH projects sa Bulacan, nakumpleto na

DOT-DPWH projects sa Bulacan, nakumpleto na

516
0
SHARE
Ang nakumpuning kalsada patungo sa Dambana ng Meyto sa Calumpit. Kuha ng Pamahalaang Bayan ng Calumpit

LUNGSOD NG MALOLOS — Nakumpleto na ang apat na proyektong kalsada sa
Bulacan sa ilalim ng Tourism Road Infrastructure Program ng Department of
Tourism at Department of Public Works and Highways.

Ayon kay provincial history, arts, culture and tourism office head Eliseo Dela Cruz,
nasa P60 million ang inilaan para sa mga naturang imprastraktura.
Kabilang dito ang rehabilitasyon ng road access patungo sa kweba ng Bulusukan
sa San Ildefonso na nagkakahalaga ng P20 million.

Pinasemento na rin ang nawawalang karugtong ng Camias-Sibul Road sa San
Miguel papunta sa kweba at ilog ng Madlum na isang bahagi ng Biak na Bato
National Park. May halagang P20 million ang inilaan dito upang maging
maginhawa ang pagbiyahe ng mga turistang sumasadya pa rito para maligo sa
kulay asul na ilog ng Madlum.

Bukod sa paggalugad sa kweba nito, maaari ring magsagawa sa Madlum ng iba’t
ibang tourism activities gaya ng zip line at bamboo raft ride. Pwede ring gumamit
ng mga bahay kubo na gawa ng mga katutubong Dumagat.

Sa Bustos, kinumpuni na ang kalsadang patungo sa Daily Bread Organic Farm na
nasa Barangay Bonga Menor sa halagang P10 million.

Isa itong farm tourism destination sa Bulacan na kilalang resort na napapalibutan
ng mga katutubong tanim gaya ng herbal and botanical plants, mushrooms, at
mga greenhouses na kinapapalooban ng mga pinapalaking high value commercial
crops.

Sa Calumpit, inayos ang kalsada patungo sa Dambana ng Meyto na nilaanan ng
P10 million. Sa lugar na ito pinaniniwalaan na unang dumaong sa Bulacan noong
1572 ang mga paring Kastila upang magpalaganap ng Katolisismo.

Makikita sa dambanang ito ang Krus na pinagtulusan ng orihinal na Krus noong
1572 kung saan ginanap ang unang Misang Katoliko sa Gitnang Luzon.
Naging ruta rin ng Kalakalang Galyon sa Pilipinas ang katabi nitong ilog Calumpit.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here