PARA SA reflection na ito, ang pagkukuhanan natin ng inspirasyon ay ang sinabi ni San Pablo sa ating second reading. Sabi niya, “Nakatatak sa aking katawan ang mga sugat ni Hesus.” Ang salitang ginamit niya sa Greek ay STIGMATA, plural ng STIGMA, na ang ibig sabihin ay marka ng mga sugat ni Hesus. Pero hindi literal na sugat na katulad ng kay Kristo ang tinutukoy ni San Pablo. Ang tinutukoy niya ay ang maraming mga pagsubok na pinagdaanan niya dahil sa pagiging apostol, mga karanasan na nag-iwan din ng mga marka sa pagkatao niya. (2 Cor 11:23-27) Ganito para kay San Pablo ang ibig sabihin ng maging alagad: ang makibahagi sa buhay at misyon ni Kristo, gayundin sa kanyang pagdurusa, kamatayan at pagkabuhay. Kaya nga nasabi niya sa mga taga-Galacia, “Ang buhay ko ay hindi na akin. Ito’y kay Kristo na nabubuhay sa akin.” (Gal 2:20)
Madalas kong marinig sa mga evangelical preachers ang tanong “Have you accepted Jesus as your personal Lord and Savior?” Magandang tanong, pero sa tingin ko hindi sapat para ilarawan ang ibig sabihin ng pagiging Kristiyano. Baka kasi isipin natin na ang pagiging disipulo ay pagtanggap lang kay Kristo bilang bahagi ng buhay natin. Baligtad. Hindi siya ang gagawin nating bahagi ng buhay natin; tayo ang ibig niyang gawing bahagi ng buhay at misyon niya. Ang maging Kristiyano ay maging bahagi ng katawan ni Kristo, upang maging KINATAWAN NI KRISTO sa daigdig.
Sa ebanghelyo, ayon kay San Lukas, maraming iba pang mga bayan na ibig sanang dalawin ni Hesus ngunit hindi niya magawa. Kaya ang ginawa niya, imbes na siya mismo ang pumunta, nagsugo siya ng mga alagad para dalawin ang mga bayang iyon, bilang kanyang mga “KINATAWAN.” Sa madaling salita, para bang pinadami niya ang sarili niya sa kanyang mga apostol.
Ano ang mga palatandaan na ang isang alagad ay tunay na kumakatawan kay Kristo? Dalawang tanda ang binabanggit ng ebanghelyo: una, kapayapaan. Pangalawa, kapangyarihan laban sa masasamang espiritu.
Ang sugo ay tagapaghatid ng kapayapaan. Kaya ito ang unang bati ng kinatawan—ang maghatid ng kapayapaan sa ngalan ng nagsugo. Kaya din siguro “Tagapag-ani” o “manggagawa sa anihan” ang tawag ni Hesus sa kanyang mga sugo. Ano ang aanihin kung walang nagtanim? Magandang paalala ito para sa ating lahat. Ang Diyos mismo ang pangunahing tagahasik o tagapagtanim.
Nakikitrabaho lang tayo sa kanya. Baka kasi isipin natin na gawain o trabaho natin ito na para bang lahat nakasalalay na sa atin.
Kahit si Pope Francis sinasabi niya ito sa mga nagtatanong kung paano niya nakakayanang gawin ang napakalaking responsibilidad na pamunuan ang Simbahang Katolika na may 1 billion na miyembro. Ang sagot niya ay, “Kaya mahimbing ang tulog ko at payapa ang loob ko dahil lagi kong ipinaaalala sa sarili ko na hindi ko ito trabaho, trabaho ng Diyos. Nakikitrabaho lang ako sa kanya.”
Ang alagad ay isinusugo upang maghatid ng kapayapaan ni Kristo. Upang manatili siya bilang alagad ng kapayapaan, mahalaga na manatili siyang malaya sa mga materyal na bagay, tulad ng salapi, tirahan, ari-arian, at pati na sa mga mahal sa buhay. Dapat handa siyang manatili kung siya’y tinatanggap at handa rin siyang umalis kapag hindi siya tinatanggap. Hindi niya dapat hahayaang kumapit sa kanya ang mga sama ng loob na parang alikabok.
Ang isa pang tanda na ang sugo ay tunay na kumakatawan kay Kristo ay ang kapangyarihan laban sa masasamang espiritu. Ito ang ibig sabihin ni San Lukas sa pagtukoy niya sa mga ulupong at alakdan. Parehong makamandag ang mga hayop na ito. Kaya nakalalason o nakamamatay ang kagat nila. Parang ganoon din ang paraan ng paglusob ni Satanas. Sinisikap lasunin ng kanyang kamandag ang ating kaluluwa. Sa Markos 16,18 nang isugo ng Panginoon ang mga alagad, sinabihan sila na sila’y pagkakalooban ng Panginoong muling nabuhay ng kapangyarihan na “humawak ng ulupong o uminom ng lason nang hindi naaano.”
Paalala, huwag gagayahin ito sa bahay dahil hindi rin literal ang kahulugan nito. Binabalaan lang ni Hesus ang mga sugo niya na mahalagang matuto silang makitungo, hindi lang sa mababait, kundi pati na rin sa mga ugaling parang traidor na ulupong. At ang lason na tinutukoy ay mga kasinungalingan, insulto at paninirang puri. Basta hindi hahayaan ng sugo na pumasok ito sa kanyang sistema, hindi rin siya maaano.
Huling paalala sa sugo—hindi sariling ngalan kundi ngalan ni Kristo ang dapat dalhin niya. Bakit? Dahil bukod-tanging kay Kristo natatakot ang dimonyo. Walang ibang hangad ang diyablo kundi ang ilihis ang sugo sa kanyang misyon. Mahusay siyang mang-udyok sa tao na mahumaling sa sarili at maghangad na dakilain ang sarili at makalimutan na siya’y kinatawan, hindi kapalit. Walang dapat ikagalak ang isang sugo kundi ang masulat sa langit ang kanyang ngalan. Kapayapaan at kapangyarihan laban sa masamang Espiritu: ito ang dala ng sinumang tunay na kumakatawan kay Kristo.
(Homiliya para sa Ika-14 na Linggo ng Karaniwang Panahon, ika-3 ng Hulyo, Luk. 10:1-12, 17-20)