CABANATUAN CITY – Magdiriwang ng Misa sa umaga ng Lunes, May 9, ang mga pari sa Diocese of Cabanatuan para sa mga gustong magsimba bago bumoto at mananatiling bukas ang mga simbahan para sa lahat ng mananalangin matapos makaboto.
Batay sa Palibot-Liham Blg. 2, s. 2022 na inilabas ni Bishop Sofronio Bancud nitong Biyernes, ang mga kasapi ng Apostolado ng Panalangin, Adoracion Nocturna Filipina at iba pang mga lay associations at religious movements ng diocese ay mangunguna sa mga panalangin habang naghihintay ng mga resulta ng halalan.
“Ilang araw na lamang ay muli na namang haharap ang ating bansang Pilipinas sa isang sangang-daan – ang paghahalal ng mga pinuno ng pamahalaan na siyang gagabay at magbabangon sa ating bayan sa susunod na tatlo hanggang anim na taon,” anang obispo sa kanyang palibot-liham.
Lubhang napakahalaga ng gawaing politikal na ito sapagkat tayo ay nasa isang maselang yugto ng ating kasaysayan, ayon pa kay Bancud.
“Ang eleksyong ito ay hindi lamang simpleng pagpili ng mga kandidatong sa tingin natin ay karapat-dapat na magsilbi sa ating bayan, kundi pagpapakita ng ating paninindigan para sa katotohanan, katapatan at kabutihan laban sa kasingungalingan, karahasan, at kasamaan. Kaya naman, dapat lakipan ang gawaing ito ng taimtim na panalangin at paghingi ng paggabay mula ating Poong Maykapal,” saad nito.
Dahil dito ay kanyang itinalaga ang mga nalalabing araw bago mag-eleksiyon bilang mga “Natatanging Araw ng Pananalangin para sa darating na halalan.”
Hinihikayat niya ang mga mananampalataya, sa pangunguna ng kanilang mga kura paroko, na maglaan ng panahon sa pananalangin upang ang ating halalan ay maging malinis, mapagkakatiwalaan, makatotohanan, makahulugan, mapayapa, ligtas at patas.
Kahapon, unang Biyernes ng buwan, ay isinagawa ang Banal na Oras para sa Halalan sa pangunguna ng mga lider-laiko samantalang ngayong Sabado ay itinakda ang sama-samang pagdarasal “sa mga parokya, komunidad at mga tahanan ng Banal na Rosaryo sa karangalan ng Kalinis-linisang Puso ni Maria. ”
“Ang pagdiriwang naman natin ng Linggo ng Mabuting Pastol sa darating na Mayo 8 ay nag-aanyaya rin sa atin na hindi lamang ipagdasal ang pagyabong ng bokasyon sa pagpapari at pagkarelihiyoso sa Simbahan, kundi upang pagkalooban tayo ng Diyos ng mga mabubuting pastol na mangangalaga sa ating bayang Pilipinas,” ayon sa liham.
Hiniling din ng obispo na ipagdasal ang lahat ng mga maluluklok bilang mga lingkod sa ating pamahalaan. “Buong pagmamalasakit nawa nilang itaguyod ang pangkalahatang kabutihan nang hindi nagsasamantala sa kahinaan at kahirapan ng mga mamamayan. Hinihimok ko rin ang lahat ng ating mga mananampalataya na inyong itaguyod sa ating mga pamayanan ang mabuting pamamahala at matuwid na paglilingkod sa bayan” aniya.
Batay sa mga datos, ang Nueva Ecija ay ikatlo sa mga lalawigan na may pinakamaraming botante sa Gitnang Luzon Luzon sa bilang na 1,541,685.
Ang una ay ang lalawigan ng Bulacan na may 2,007,523 botante at pangalawa ay Pampanga na may 1,580,283 botante.