Home Headlines P5.9M delinquent sa hulog ng mga employers, hinahabol ng SSS Malolos

P5.9M delinquent sa hulog ng mga employers, hinahabol ng SSS Malolos

927
0
SHARE

Sinadya ng mga opisyal ng Social Security System ang may anim na mga employers sa Malolos at Calumpit na nahinto sa pagbabayad ng kontribusyon para sa kani-kanilang mga empleyado.(Shane F. Velasco/PIA 3)


 

LUNGSOD NG MALOLOS — Pinaigting ng Social Security System o SSS Malolos ang paghabol sa mga employers na may matatagal nang hindi nakakapaghulog ng kontribusyon para sa kani-kanilang mga empleyado.

Sa pamamagitan ng kampanyang Run After Contribution Evaders o RACE, target na makolekta ang nasa P5.9 milyong delinquencies sa mga employers na nakarehistro sa SSS Malolos.

Nasa anim na mga employers ang sinadya ng mga opisyal ng SSS sa Malolos at Calumpit. Sila ay pawang mga nasa industriya ng construction, retail, personal care, garments at general merchandise.

Ayon kay SSS Luzon Central 2 Vice President Gloria Corazon Andrada, hindi lamang ito pagpapaalaala kundi pagbibigay din ng pagkakataon sa mga employers na makapagbayad sa halip na maihabla sa mga hukuman.

Dalawa ang maaring maging paraan upang makabayad ang mga may pagkukulang na mga employers sa SSS.

Ito ay sa pamamagitan ng Pandemic Relief and Restructuring Program o PRRP 2 o ang Condonation of Penalties on SSS Contributions at ang PRRP 3 o ang Enhanced Installment Payment Program.

Sa PRRP 2, pwede nilang bayaran hanggang Mayo 19, 2022 ang mga hindi naihulog na kontribusyon para sa kani-kanilang mga empleyado mula Marso 2020, kung kailan tumama ang pandemya.

Tinatanggal na ang penalty kung gagamitin ng employer ang pamamaraan ng PRRP 2 upang ang principal at interest na lamang ang bayaran.

Ipinaliwanag naman ni SSS Malolos Branch Manager Albina Leah Manahan na maaring mabalikan at mabayaran ng employers ang mga hindi naihulog na kontribusyon at penalties dahil sa PRRP 3 o ang Enhanced Installment Payment System hanggang Nobyembre 22, 2022.

Kinakailangang magsumite ang employer sa SSS Malolos ng Application for Installment Payment, Validated Contribution Form, supporting documents at ang unang limang porsyentong down payment ng total delinquency.

Dapat makipag-usap at makipagkasundo ang employer at ang SSS kung paano ang magiging sistema sa pagbabayad ng kapupunan.

Kaugnay nito, binigyang diin ni SSS Luzon Central 2 Department Manager Vic Bryon Fernandez nakung hindi pa rin makakabayad ang mga employers ng kontribusyon para sa kanilang mga empleyado sa loob ng 15 araw, mapipilitan aniyang magsampa ng kaso ang SSS laban sa kanila.

Ang sinumang mapapatunayan na sinadyang ipitin o hindi hulugan ang kontribusyon ng miyembrong empleyado, makukulong ang employer at kasama ang mga may katungkulan sa lumabag na kumpanya ng anim na taon.

Ipinaliwanag pa niya na ang pagpapaigting ng koleksyon ay hindi lamang para sa lalong ikatatatag ng SSS kundi para sa kapakanan ng mga miyembro nito na umaasa sa iba’t ibang benepisyo.

Mas lumawig sa taong 2054 ang fund life ng SSS mula nang umiral ang Republic Act 11199 o ang Social Security Act na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong 2018.

Ito’y bunsod ng patuloy na pagpapalakas ng koleksiyon at pagpapaigting ng kampanya na makapagbayad nang tama ang mga employers at mga indibidwal na karaning miyembro. (CLJD/SFV-PIA 3)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here