SAMAL, Bataan — Bukas na ang mga kalbaryo sa Bataan at nagsimula na ang Pabasa ng Pasyon tulad sa Barangay Santa Lucia sa bayang ito.
Makulay ang kalbaryo sa Santa Lucia kung saan apat na babae na mga senior citizen na ang bumabasang paawit ng Pasyon sa saliw ng gitara.
Hindi pinayagan ang pagtatayo ng kalbaryo simula noong 2019 dahil sa pandemyang dulot ng coronavirus disease at nitong taon na ito lamang nagkaroong muli.
Ang mga kalbaryo ay sumisimbolo ng bundok kung saan ipinako ang Panginoong Hesus. Iba-ibang disenyo, iba-ibang kulay at iba-ibang laki ang mga kalbaryo ngunit iisa ang tema – ang paghihirap ni Hesus.
Sa Bataan, karaniwan itong makikita tuwing Mahal na Araw simula ng Lunes Santo sa mga bayan ng Hermosa, Orani, Samal, Abucay, at Balanga City.
Sa Huwebes at Biyernes Santo, dadaan sa mga kalbaryo ang mga nagpipinetenisya tulad ng manggagapang, mandurugo at nagpapasan ng krus. Ang iba’y luluhod samantalang karamihan ay hihigang padapa na nakadipa ang mga kamay sa harap ng mga kalbaryo habang umuusal ng maikling panalangin.