Reelectionist Mayor Sylvia Austria. Mayoralty candidate Ramir dela Cruz. Kuha ni Armand Galang
JAEN, Nueva Ecija – Dalawa sa apat na aspirante sa pagka-alkalde ng bayang ito ang hindi dumalo sa unity walk at peace covenant na ginanap sa St. Augustine parish church nitong Biyernes.
Tinawag ang pangalan ng mga kandidatong sina aspiring Antonio Prospero Esquivel ng PDP-Laban at independent Crispin Laureano upang lumagda sa kasunduan subalit hindi sila dumating.
Hindi rin nakilahok sa aktibidad na pinangunahan ng Jaen police station ang anak ni Esquivel na kanyang ka-tandem sa pagka-bise alkalde na si Lawrence Anthony Esquivel at kanilang mga kapartido sa sangguniang bayan.
Wala rin sa aktibidad ang independent vice mayoralty aspirant na si incumbent VM Luisito Austria.
Walang pahayag ang mga organizer kaugnay ng di-pagdalo ng ilang aspirante sa nalalapit na halalan.
Pinangunahan ni incumbent Mayor Sylvia Austria ang kanyang buong team, kabilang ang kanyang anak at ka-tandem sa pagka-bise alkalde na si incumbent SB Member Atty. Sylvester Austria at mga aspirante sa SB.
Kasama rin ni mayoralty aspirant Ramir Dela Cruz ang kanyang mga kaalyado.
Kasama ng PNP, sa pangunguna ni Major Romualdo Reyes, ang chief of police ng bayan, sa pagtataguyod ng unity walk at peace covenant ang Department of Education, Philippine Army, Bureau of Fire Protection, Commission on Election, Parish Pastoral Council for Responsible Voting, at iba pa.
Nangako ang mga kinatawan ng naturang mga ahensya at organisasyon ng pagiging patas sa kanilang pagganap ng tungkulin at pagtataguyod ng maayos, mapayapa, ligtas, at tapat na halalan 2022.
Bukod sa sama-samang paglakad patungong simbahan at paglagda sa covenant, ang mga dumalong aspirante ay nanumpa rin para sa safe, accurate and fair elections.
Nangako sila na susundin ang lahat ng alituntunin sa halalan. Kasunod nito ay ang pagpapakawala mg mga puting lobo.
Muli namang pinaalalahanan ni election officer Cecilia Ferrer ang mga aspirante na pagdating ng campaign period para sa lokal na halalan ay kailang sundin nila ang tamang sukat ng mga poster at lugar na paglalagyan mg mga ito.
“Nag-designate na po kami ng mga common poster area,” aniya.