Ang Probinsyano Partylist Rep. Alfredo Delos Santos (gitna), kaantabay sina Mayor Arvin Salonga at Vice Mayor Julie Maxwell sa pamamahagi ng educational assistance. Kuha ni Armand Galang
SAN ANTONIO, Nueva Ecija – Bagama’t isa na lamang sa dalawang anak ni Rosemarie Villar ng Barangay Tikiw dito ang nag-aaral sa kolehiyo, ay sadyang kapos pa rin ang pamilya upang matustusan ang pangangailangan ng distance learning ngayong pandemya.
Wala rin aniya kasing pinagkakakitaan ngayon ang pamilya dahil na rin sa epekto ng umiiral na quarantine restrictions samantalang kinakaharap ng bansa ang problema sa coronavirus disease.
Kaya naman napakalaking tulong sa pag-aaral ng kanyang anak nang dumating ang Department of Social Welfare and Development upang i-validate ang kanilang katayuan at mapabilang sa mga tatanggap ng Educational Assistance Program na inilarga ng Ang Probinsyano Partylist nitong Huwebes.
“Kami po ay nagpapasalamat. Napakalaking bagay po itong matatanggap ng anak ko,” sabi ni Villar. Isa siya sa 100 estudyante at magulang na tumanggap ng educational assistance sa simpleng programa na pinagunahan nina Ang Probinsyano Partylist Rep. Alfredo delos Santos, Mayor Arvin Salonga, at Vice Mayor Julie Maxwell na ginanap sa municipal gym.
“Malaki po ang maitutulong nito,” sabi ni Villar. Ang kanyang bunso ay nag-aaral sa Nueva Ecija University of Science and Technology campus sa bayang ito.
Ayon kay Delos Santos, ang educational assistance program na ipinatutupad sa pamamagitan ng DSWD ay bahagi ng mga soft projects na ginagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular sa labas ng Metro Manila.
“Basta kailangan ng tao, basta kailangan ng promdi, ihahatid natin ‘yan,” sabi ng kongresista.
Mismong si Salonga ang nagpaabot sa Ang Probinsyano ng mga proyekto na kinakailangan ng kanyang bayan, ayon pa kay Delos Santos.
“Its about time na dapat bigyan ng importansiya ang mga tao, itong tinatawg nating promdi at tinatawag nating lodi promdi dahil sila yung ung minsan ay kinakalimutan e,” dagdag pa niya.
Sinabi naman ni Salonga na bukod sa educational assistance ay nakapagpagawa na rin ng multi-milyon pisong halaga ng flood protection dike na nagligtas sa ilang barangay mula sa baha sa bayang ito ang naturang partylist.