Home Headlines Commercial building nasunog

Commercial building nasunog

635
0
SHARE

ABUCAY, Bataan — Isang commercial building na sumasakop sa isang block  sa tabi ng plaza dito ang nasunog  Linggo ng umaga.

Ayon kay Senior Fire Officer 3 Alberto Ramos, Jr., Abucay fire marshal, nagsimula ang sunog alas-8:20 ng umaga at nadeklarang fire-out makalipas ang isang oras. 

Umabot, aniya, sa second alarm kaya nagdatingan ang mga firefighting units mula sa mga katabing bayan tulad ng Balanga City, Samal at iba pa bukod pa sa Bureau of Fire Protection ng Abucay. 

Sinabi ni Ramos na patuloy pa ang imbestigasyon sa dahilan ng sunog bagama’t may nagsabi sa kanilang ito’y mula sa isang stall. Inaalam pa, ani Ramos, ang kabuuang halaga ng mga ari-ariang natupok. 

Wala raw nasaktan sa sunog na dinagsa ng napakaraming tao. Malaki ang nagawang tulong sa pag-apula ng apoy ng aerial ladder ng Balanga City.

Sinabi ni Gloria Sibug, may-ari ng isang variety stall na nagtitinda ng ice cream at iba pa, na sarado pa ang kanyang tindahan at nasa bahay siya nang magsimula ang sunog.

“Nang dumating ako ay lumiliyab na ang lahat sa building at mataas na ang apoy,” sabi ni Sibug. Sinasabi, aniyang, sa tindahan ng shawarma nagsimula ang apoy. 

Ayon naman kay Jesus Valencia na nakatira mismo sa building at may-ari ng ilang paupahang stall na sinabihan siya ng asawa na may nangangamoy sa likod at nagsisigaw na may sunog.

Sinubukan daw niyang gumamit ng fire extinguisher pero malaki na ang apoy kaya inilabas na lamang niya ang kanyang 94-anyos na ina na hirap lumakad. 

Maaari, ani Valencia, na nagshort-circuit o kinain ng daga ang electrical wire na pinagsimulan ng apoy.  

Sarado pa umano ang tindahan ng shawarma, milk tea, at iba pa bago nagkaroon ng sunog. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here