Home Opinion Tawag pansin 

Tawag pansin 

1274
0
SHARE

DITO po sa tanyag, na bayan ng Araw,
ng dagat at buwan – ang ngayo’y Kapitan
madalas, kahit na ang lang anino n’yan,
hirap nang makapa sa kanyang tanggapan.

Di gaya ng dati, na lubhang aktibo
si Kap, lalo noong bagong upo ito,
‘visible’ yan kahit Sabado at Linggo,
pero ngayon tila hindi na gaano.

Ganun din naman iba pang opisyal
na madalang pa sa kidlat sa tag-araw
ang pag-ganap nila ng tungkuling tangan,
maliban kay Sec na ‘present’ araw-araw.

At ilang ‘appointees’ na siyang palaging
katuwang ni Sec sa iba pang gampanin
ng mga halal na opisyales natin
na di ginagawa ang takdang tungkulin.

Ang puno ng Lupong Tagapamayapa,
Imbestigador at taga-pamahala
sa ‘official duty’ ng dapat gumawa
silang humaharap na pansamantala.

(Gaya ng kung mayrung away o may gulo,
sila-sila lang ang umasikaso;
ang ‘village chief’ ay di makapa ng tao,
sa hindi malamang dahilan kung ano).

May isa, dalawa o tatlo yata riyang
Barangay Kagawad, na sapol mahalal,
di pa sumipot sa araw ng sesyon yan,
pero ang sueldo ay kinukuha buwan-buwan?

Partikular itong ang negosyo nila
ay ‘essential’ yata, na mas inuuna
ang personal nilang interes, kumbaga
kaysa ang tutukan tungkuling pang-masa;

Na sila rin naman ang sa taongbayan
humiling na sila ay ating ihalal,
kaya marapat lang na ang pangako n’yan
na magsilbi sa’tin gawin ng marangal.

Maatim kaya ng sinuman sa atin,
itong di marapat na ating tanggapin,
sanhi ng di ito tinrabaho natin,
ya’y pangungurakot na maituturing.

Kundi man ika nga ito direktang
pagnanakaw na rin sa Kaban ng Bayan,
na bagama’t ito’y masasabing legal,
tawag pa rin ng konsensya ang iiral.

Eh, bakit nga hindi? Ikaw ay humabol,
halimbawa bilang Kapitan o Mayor
o ano pa man d’yang ‘government position’
at ika’y nanalo , uupo ka ngayon…

Sa unang tirada… ubod ka ng sipag,
kung ika’y pumasok ‘on time’ ka sa oras;
pero matapos ang ilang buwan ay tamad
ka na, at iba na’ng iyong inatupad…

At ika’y sumipot dili na sa tanggapan,
gaya ng sa ‘column’ kung ito tinuran;
pero sumusueldo ka’t ‘advance’ kung minsan,
maitutuing na kawalanghiyaan;

kaya marapat lang  na ika’y magbitiw
sa kahit anumang hawak mong tungkulin,
kaysa minumura ka r’yan ng palihim
ng nakararaming kababayan natin!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here