Home Headlines Pagsabog sa DND arsenal: 2 patay, 2 sugatan 

Pagsabog sa DND arsenal: 2 patay, 2 sugatan 

734
0
SHARE

Limay police investigator Senior Master Sgt. Jaime Austria. Kuha ni Ernie Esconde


 

LIMAY, Bataan — Dalawang manggagawa ang patay habang dalawang iba pa ang sugatan nang sumabog sa hindi pa malamang dahilan ang kemikal na gamit sa paggawa ng bala ng baril sa Department of National Defense arsenal sa bayang ito nitong Miyerkules.

Kinilala ni Major Madtaib Jalman, Limay police chief, ang mga nasawi na sina Ricardo Solomon, 40, ng Orion, Bataan at Marvin Tatel, 38, ng Limay at ang mga nasugatan na sina Macreldo Rodriguez, 57 at Allan Wisco, 36, parehong taga-Limay.

Sinabi ng police chief na nasa isang kuwarto ng Building 27 ng government arsenal sa Barangay Lamao ang dalawang nasawi at nag-aayos ng mga pinaghalong kemikal sa paggawa ng bullet primers nang biglang magkaroon ng pagsabog.

Sa tindi ng pagsabog, ani Jalman, dead on the spot si Tatel samantalang namatay si Solomon habang dinadala sa arsenal infirmary.

Ayon kay Senior Master Sgt. Jaime Austria, Limay police investigator, si Rodriguez na hepe ng grupo ay nakaupo sa kanyang office table at gumagawa ng report samantalang si Wisco ay nag-iinspeksiyon ng hydraulics system sa kabilang kuwarto nang mangyari ang pagsabog. Masuwerting hindi sila malubhang nasugatan.

Nasira ang bahagi ng Building 27 at ilang makinarya, sabi ni Austria.

Sinabi ni Jalman na sinusuri pa ng explosive ordnance disposal unit ang dahilan ng pagsabog samantalang patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here