MADALAS ang tila kawalan ng preno
ng bibig ng ating butihing pangulo
ang siyang sa sarili niyang ‘amor propio’
itong kumbaga’y sumisira ng husto.
Gaya nitong karaniwan na sa kanya
ang kahit di siya galit, nagmumura;
na sa ganang ibang tao, di maganda
para sa isang lider na katulad niya.
Na siya rin naman kung minsan itong biglang
kambyo sa anumang bagay na tinuran
kapag napagtantong mali ang salitang
ibinato n’yan sa napagdiskitaan.
Di ko sinasabing di siya maingat
sa pagbitaw ng bagay na ikapintas,
kundi bagkus sana’y hindi ikasilat
ang anuman na siya itong may pahayag.
Gaya ng ngayon ay sa’ting ‘social media’
lumabas sa dyario, na pinagpyesta na
ng ‘anti’ Duterte, maitago pa ba
ni PRRD ang sabi’y duwag siya?
Hinamon si Carpio sa isang debate
na tinanggap naman ng dinuro bale,
pero pagkatapos ay si Presidente
ang umatras, at ipinasa kay Roque?
Di sa ninanais nating kay Pangulo
maikintal sa ngalan niya’t pagkatao
ang di ikarangal, pero siya mismo
na rin sa sarili ang kapural nito.
Ang magkaroon ng iisang salita
itong sino pa mang opisyal ng bansa,
‘yan hanggang sa sila’y sa mundo mawala,
pag-uusapan pa rin sila ng madla.
Na kung maganda ang bagay na iniwan,
patuloy na sasaluduhin ng tanan,
di gaya ng naging salbahe o hangal,
ang upasala ay pihong walang hanggan.
Mahusay sa dilang mabait si Digong,
ang pintas lamang ng iba, di marunong
tumupad ng kanyang mga pinangakong
gagawin nang bago pa magka-eleksyon.
(Isa r’yan ang ‘Endo,’ na kapag sinuwerte
siyang mahalal na maging presidente,
katiyakan sa trabaho na mapirme,
ang manggagawa di naging posible.
Kundi bagkus itong dati pang tugtugin
sa pag-empleo ang nanatili pa rin,
kaya suma total ay ‘impossible dream’
ang kinauwian ng ipinagmagaling.
Aywan lang kung itong iba pang tinuran
n’yan na tulad ng ‘RevGov’ maipa-iral,
bago siya bumaba d’yan sa Malakanyang:
tungo sa totoong pagbabagong tunay.
Nang di maunsyami ang gintong pangarap
nitong nagsusulong sa ikauunlad
ng Inangbayan na noon pa ma’y kalag
na ang gapos pero ‘gatasan’ ng ‘corrupt’?!)