HERMOSA, Bataan — Apat na bata ang nalunod sa isang ilog sa Barangay Almacen dito Martes ng hapon.
Sa inisyal na report ni Hermosa police chief Major Jeffrey Onde, kinilala ang mga biktima na sina AC Magtanong, 11; AJ Magtanong, 11; Reynalyn Magtanong, 13; at Gabriel Santos, 11 — pawang mga naninirahan sa Barangay A. Rivera, Hermosa.
Ayon kay Onde, kambal sina AC at AJ samantalang kapatid nila si Reynalyn.
Habang naglalanguyan ang apat sa Almacen River, nagawi umano ang mga ito sa malalim na bahagi na mahigit 10 feet ang lalim. Aksidenteng nalunod ang apat, sabi ni Onde.
Idineklarang dead on arrival ang mga biktima sa Orani District Hospital sa Bataan.
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang mga pangyayari.