Samal Mayor Aida Macalinao
SAMAL, Bataan — Hinimok ng punong-bayan dito nitong Martes ang mga kabataan na magtanim ng magtanim lalo na ng gulay upang makatulong sa pagkakaroon ng sapat na pagkain lalo na sa panahon ng pandemya.
Ang hamon ay ginawa ni Mayor Aida Macalinao sa pagpaparami ng mga communal garden sa 14 na barangay ng Samal sa pangunguna ng mga kasapi ng AgriKabataan sa pakikipagtulungan sa municipal agriculture office.
Ang AgriKabataan na may walong youth organization ay nasa ilalim ng Samal Youth Development Council.
Sinabi ng butihing mayor na gusto niyang tuloy-tuloy na suportahan ang programa ng Department of Agriculture sa pagpaparami ng pagkain kaya isinama nila sa budget ng pamahalaang lokal ang pondo sa mga project na karamihan ay tungkol sa pagtatanim ng gulay ng mga kabataan.
“Sa bawat barangay ay gagawa kami ng parang mga modelo ng gardening kaya magtuturo kami sa mga kabataan sa wastong pagtatanim at pangangalaga ng gulay,” sabi ni Macalinao.
Magkakaroon, aniya, ng programa sa bawat sangguniang kabataan ng 14 na barangay. “Ang malaking bahagi ng pondo ng SK ay sa pagtatanim ng gulay mapupunta,” pagdidiin ng mayor.
“Syempre, ang purpose nito ay masagot natin ang kahirapan kasi doon naman tayo mag-uumpisa. Mag-uumpisa tayo sa basic – ang magtanim – dahil hindi masusustain ang lahat ng mga pagkukulang ng gobyerno kaya ngayon magtatanim tayo,” sabi ni Macalinao.
“Tapos, ang mga ani kapag madami ay itutulong natin sa mahihirap at sa ganitong paraan matutulungan natin ang mga kabataan natin lalo na ‘yong nasa public school. Syempre susuportahan natin yan,” dagdag pa ng mayor.