Home Headlines 29 bangka sinira ng alon, mangingisda humihingi ng tulong

29 bangka sinira ng alon, mangingisda humihingi ng tulong

2097
0
SHARE

Tulong ang hiling ni Merlet Maningat sa pagpapa-ayos ng tatlo niyang bangkang nasira. Kuha ni Ernie Esconde



BAGAC, Bataan
Humihingi ng tulong nitong Linggo ang mga mangingisdang nasiraan ng mga bangka matapos hampasin ng malakas na alon habang nakadaong sa dalampasigan dito noon pang Miyerkules ng hatinggabi.

Ayon kay Merlet Maningat, may 29 bangkang pangisda ang nasira at apektado ang kabuhayan ng mahigit 120 tao sa Sitio Salaman, Barangay Pag-asa.

Karamihan sa mga bangka ay nagkabali-bali ang mga batangan samantalang ang iba ay nabutas. Mayroong ilan na talagang wasak na wasak.

Ang mga nasiraan ng bangka at kaya namang maayos pa ay humihingi ng tulong pinansyal para sa materyales upang magawa ang kanilang bangka samantalang ang talagang wasak na wasak ang bangka ay sumasamo na magkaroon na sila ng bagong bangka.

Ang iba, bukod sa tulong sa paggawa ng bangka ay tulong sa pagkain ang kailangan dahil ilang araw na umano silang hindi nakapalaot.

Sinabi ni Maningat na tatlong bangka niya ang nasira habang nakadaong sa dalampasigan. Hatinggabi, aniya, bandang alas-12 hanggang ala-una, nang biglang dumating ang malalaking alon.

Biglaan umano ang pangyayari at hindi nila inaasahan na sasabay ang malalaking alon sa high tide. Nang magising daw ang mga kalalakihan ay napansin na nilang malalaki na ang alon at ang mga bangkang nasa dalampasigan ay nagsala-salabat na dahil nahatak na ng alon.

“Sa dami ng bangka hindi nila malaman ang gagawin kaya kanya-kanya silang taasan. Hindi naman kinaya dahil ang ibang bangka bali na ang mga batangan, wala ding pagsasaksakan dahil marami na talagang bangka dito.”

Ang mga bangka, ani Maningat ay nakaparada sa bandang ibaba lamang ng kasalukuyang kinalalagyan ng mga ito ngayon.

“Makahingi sana kami kahit na kaunting tulong doon sa mga gustong tumulong sa amin dahil talagang napakahirap ng buhay namin ngayon. Hindi kami nakakalaot saka noon pang nakakalaot kami wala naman kaming mahuli, aniya.

Sa ngayon tatlong bangka ko ang nakatigil. Marami rin po ang mga taong umaasa lang sa dagat dahil iyon ang aming hanapbuhay, dagdag pa ni Maningat.

Ang isang batangan umano ay nagkakahalaga ng P2,500 at ang isang bangkang malaki ay mayroong tatlong batangan. Bukod sa batangan, kailangang palitan din ang kimaw na nasa dulo ng batangan na ang halaga ay P500 isang pares.

Ang batangan ang kabitan ng katig ng bangka.

Sinabi ni Jerry Rosal, isa sa mga nasiraan ng bangka, na nang magising siya  ay inabutan na niyang nakabalabag ang mga bangka at hinahampas na ng malalakas na alon. Ang mga maliliit, aniyang, bangka ay nagbabangga-banggaan at ang iba ay may butas na.

“Ang iba naman itinaas namin yung mga naagapan pa namin. Malalaki ang alon tapos pag-akyat namin doon sa kabila may aagapan kami doon na isang bangka pero hindi na namin inabot. Durog-durog na kaya bumalik kami. Ang banda doon naman ang hinampas ng hinampas ng alon, sabi nito.

“Hihingi kami ng konting tulong dahil wala kaming hanapbuhay. Hindi kami makalabas tambay pa kasi dahil mga butas pa ang bangka namin at wala pa din kami pambili ng mga gamit, dagdag ni Rosal.

Ayon naman kay Teddy Flores, wala silang malay dahil hatinggabi at biglaan ang pangyayari: “Nakapwesto ang bangka ko doon sa ibabaw doon sa may likod sa batuhan, naabot pa din ng alon kaya nadurog ito kasi madaming bato ang dinaanan niyan dahil talagang napakalakas ng alon.”

Wasak na wasak ang bangka ni Flores pati ang makina nito na nabaon daw sa buhangin. “Sana mayroong maawa at magkaroon ako ulit ng bangka. Hindi pa makakalaot kasi malalaki pa ang alon. Eh, pagkalma niyan di pa din makalaot dahil walang bangka, daing ni Flores.

Ang mga bangka ay dinala sa mataas na lugar malapit sa mga bahay. Ang iba ay itinaas at iniakyat pa sa burol bilang paghahanda sa parating na masama na namang panahon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here