Ang vintage bomb na aksidenteng natuklasan. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MABALACAT — Isang vintage bomb ang natuklasan ng mga construction workers habang naghuhukay sa Homesite, Barangay Dau noong Biyernes.
Agad na itinawag ng pamunuan ng construction site sa kapulisan ang nakitang bomba at rumesponde agad ang kaukulang unit ng pulisya at kinurdunan ang lugar.
Natukoy na ang nasabing vintage bomb ay isang round projectile 76mm na galing sa isang tanke noong World War II.
Ayon kay Lt. Ferdinand Galang, OIC ng Pampanga Explosive Ordinance Disposal and Canine Unit, kung hindi natuklasan ay posibleng sumabog na lamang at makapinsala ang nasabing antigong bomba.
Sa ngayon ay hawak na ng Pampanga EOD ang nasabing vintage bomb para sa kaukulang disposisyon.
Wala namang naiulat na nasaktan sa pagkakatuklas ng nasabing bomba.