PANTABANGAN, Nueva Ecija – Dalawang lalaki, kabilang ang isang menor de-edad, ang nahaharap ngayon sa kasong homicide nang ituro sila ang umano’y nakapatay sa isang nakaalitan sa inuman sa Barangay Villarica dito bandang hatinggabi ng Lunes.
Isa sa mga suspek ay nakilala sa pangalang Moises Estanislao, 21, estudyante at residente ng nasabing barangay, samantalang 15-anyos na estudyante ang kanyang kasama.
Ayon sa pulisya, binawian ng buhay sa ospital dahil sa mga tama ng saksak sa katawan ang biktimang si Jaylord Manalili, 21. Bugbog naman ang inabot ng nakatatanda niyang kapatid na si Reynaldo, 25, residente ng Barangay Liberty ng bayan ding ito.
Sa ulat ni pantabangan police chief Capt. Neilmar Retana, magkakasama sa inuman sa isang birthday celebration ang mga suspek at mga biktima nang biglang magkainitan sa di binanggit na dahilan.
Si Estanislao di-umano ang sumaksak sa nakababatang Manalili samantalang ang 15-anyos na kasama nito ang umatake sa kanyang kapatid.
Sa kanyang testimonya ay sinabi ni Reynaldo na samantalang sinasaksak ni Estanislao amg kanyang kapatid ay hinataw naman siya ng bato sa mukha ng kasama nito.
Kasong homicide at physical injury ang isinampang kaso laban sa mga suspek, ayon kay Retana.