CASTILLEJOS, Zambales — Inihayag ni Mayor Eleanor D. Dominguez, chair ng inter-agency task force dito, na isang seafarer ang pang-apat na kaso ng Covid–19 sa kanilang bayan nitong Miyerkules.
Ang nasabing pasyente ay isang 45-anyos na lalaki at may pamilya.
Batay sa rekord, ilang beses nang nagtungo sa Maynila upang magreport sa kanyang agency at mag-ayos ng kanyang mga papeles ang nasabing pasyente.
Hulyo 20 nang sumailalim siya sa swab test at ngayong Hulyo 22 lumabas ang resulta na siya ay positibo sa Covid-19.
Agad namang dinala ang pasyente sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital at nasa maayos na kalagayan.
Sa kabuuan, umaabot na sa 41 bilang ang positibo sa Covid-19 sa buong Zambales.