LUNGSOD NG BALANGA — Nanawagan ngayong Huwebes si Gov. Albert Garcia ng pagiging mas responsable at pagkakaroon ng mas malalim na malasakit sa kapwa, na aniya’y susi sa pagpigil sa pagkalat ng coronavirus disease.
Sa sama-sama, aniya, na patuloy na pakikipaglaban sa di nakikitang kaaway, unti-unti na rin tayong tumatawid mula sa enhanced community quarantine patungo sa tinatawag na “new normal” habang wala pang nahahanap na lunas o bakuna laban sa Covid-19.
Sinabi ng governor na ang pagsasailalim ng inter-agency task force sa Bataan sa modified general community quarantine, kasama ang ibang probinsya sa Region 3, ay isang hakbang ng pagbabalanse sa unti-unting pagbabalik–sigla ng ekonomiya at patuloy na pagkontrol o pagpigil sa pagkalat ng Covid-19 sa mga pamayanan.
Dahil daw nasa ilalim pa rin tayo ng quarantine, patuloy pa rin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntuning inilatag ng ating pamahalaan upang mapangalagaan ang ating kalusugan at masiguro ang ating kaligtasan laban sa nasabing sakit.
“Nais ko pong gamitin ang pagkakataong ito upang liwanagin ang nakalulungkot na pangyayari sa Bayan ng Orani kung saan nasa 18 katao sa isang barangay ang nagpositibo sa Covid-19,” sabi ni Garcia.
Nagsimula umano ito nang isang health worker ang nagpositibo sa Covid-19, kung kaya’t agad na ipina–swab ang lahat ng health workers na kanyang nakasalamuha at sa kabutihang palad, wala raw isa man ang nagpositibo.
Sinabi ng governor na batay sa masusing contact tracing at pag-iimbistiga, napag-alaman din na ang isang kaanak ng nasabing health worker na regular na nagbabalik-balik sa Bataan at Metro Manila ay nagpositibo sa test, pati na ang kanyang mga close contacts na ang isa ay katulad din niya ang hanapbuhay at ang isa ay taga Balanga na parehong nagpositibo sa test.
May posibilidad umano na ang nasabing health worker ang nahawa sa kanyang kaanak na may travel history sa Metro Manila at naunang nagpakita ng sintomas, na naging daan upang mahawa ang iba pa nilang kamag-anak at mga nakasalamuha sa kanilang barangay. Masasabi umanong nagkaroon ng tinatawag na local transmission.
“Nais ko pong kunin natin ang aral sa pangyayaring ito, na sana ay maging mas malawak at malalim ang ating malasakit sa ating kapwa pati na ang ating tinatawag na sense of responsibility,” sabi ng governor.
Nakiusap si Garcia na kung tayo ay may travel history o maraming nakakasalamuhang mga tao sa ibat’t-ibang lugar, kusa na nating i-isolate ang ating sarili sa ating mga kasama sa bahay, kapitbahay o kaya naman ay mag self-quarantine na tayo.
Dahil marami, aniyang, kaso na kung tawagin ay asymptomatic, na nasa atin na ang virus ngunit wala tayong nararamdamang anumang sintomas kaya’t nakahahawa tayo nang di natin nalalaman.
“Huwag po sana tayong magkampante o magsawalang-bahala, maging mas responsible. Hindi po biro na ilagay natin sa alanganin hindi lamang ang ating buhay at kalusugan, kung hindi maging ang sa ating mga mahal sa buhay at mga kababayan,” sabi ni Garcia.
“Ganito rin po ang aking pakiusap sa mga umuuwing OFW at locally stranded individuals. Kinikilala po namin at pinasasalamatan ang inyong sakripisyo at ambag sa ating lipunan sa pagtatrabaho sa ibang bansa o bayan, subalit gaya po ng nasabi ko na, hinihingi ko po ang inyong ibayong pang-unawa para sa kapakanan ng ating sambayanan,” dagdag pa nito.