BOCAUE, Bulacan — Sumakabilang buhay nitong Huwebes ng hapon dahil sa sakit si Bocaue Mayor Joni Villanueva-Tugna.
Batay sa official statement na inilabas sa social media ng Jesus is Lord executive management board, ganap na 5:08 ng hapon nang pumanaw si Mayor Joni dahil sa sepsis secondary to bacterial pneumonia.
Inilarawan nila ang yumao bilang: “An exemplary leader, a pioneer, a trailblazer, and woman of vision and action.”
Bukod sa JIL ay marami na ring lokal na personalidad sa Bulacan ang nagpahayag sa social media ng kanilang pakikiramay sa pagpanaw ng alkalde gaya nina Malolos former Mayor Christian Natividad, Bocaue municipal administrator Atty. Juvic Degala, Vice Gov. Willy Sy-Alvarado, at iba pa.
Samantala, agad na nagtipon ang ilang kawani at opisyal ng lokal na pamahalaan ng Bocaue at nagdalamhati matapos mabalitaan ang pagpanaw ng alkalde.
Si Mayor Joni ay kapatid ni Senator Joel Villanueva na mga anak ni Cibac Partylist Rep. Bro. Eddie Villanueva.
Ang asawa naman ni Mayor Joni ay si dating Cibac Partylist Rep. Atty. Sherwin Tugna.