Sa lakas ng hangin at ulan na dala ng Bagyong Ambo ay natumba ang mga puno at ilang istraktura sa silangang bahagi ng lalawigan. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS — Mula alas-7 kagabi hanggang alas–12 ng hatinggabi nang maramdaman ang kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ambo partikular sa silangang bahagi ng Bulacan.
Ayon kay Liz Mungcal, head ng Bulacan PDRRMO, dahil dito ay nakaranas ng power interruption ang mga bahagi ng bayan ng Norzagaray, Bustos, Sta. Maria, Bocaue, Guiguinto, Pulilan, Malolos, at Bulakan dahil sa natumbang mga puno at poste ng kuryente.
Ngayong Sabado ng umaga ay unti-unti naman na aniyang inaayos ng Meralco ang mga natumbang poste at may mga naibalik na rin na serbisyo ng kuryente.
Sampung pamilya naman mula sa Obando at tatlong pamilya mula San Jose Del Monte ang inilikas sa mga evacuation centers kagabi.
Samantala, napaangat ng ulang dala ng bagyo ng 2.5meters ang water level sa Angat Dam mula 187.02meters kahapon ay nasa 189.87meters na ito kaninang alas-2 ng madaling araw.
Normal din ang water level sa Ipo Dam na 100.85meters at sa Bustos Dam na 14.75meters at nilinaw ng PDRRMO na walang dam sa Bulacan na nagpapakawala ng tubig sa kasalukuyan.