Si kagawad Lita Cabigao mula sa viral video na in–upload ni Regie Atordido sa kanilang pagtatalo dahil sa pagbawi ng SAP. Kuha sa FB screengrab
PAOMBONG, Bulacan — Isa na namang barangay kagawad ang nakuhanan ng cellphone video na binabawi ang kalahati ng pera mula sa Social Amelioration Program beneficiary.
Kinilala ng nagrereklamong si Regie Atorido ang babaeng nasa video na si Barangay San Vicente kagawad Lita Cabigao na binabawi sa kanya ang kalahati ng nakuhang P6,500 mula sa SAP.
Nagtatalo ang dalawa dahil ang pagbawi umano ni kagawad ng kalahati ng ayuda ay sang-ayon kanilang pinirmahan na kasunduan na para sa isang “mother leader” naman ang kalahati nito.
Ayon kay Atordido, malaunan ay ibinigay din niya ang nasabing pera at ipinost na lang sa social media ang nasabing video ng kanilang pagtatalo.
Pinuntahan ng Punto si Cabigao para kuhanan ng pahayag ngunit hindi ito natagpuan.
Ipinatawag naman ni San Vicente barangay chairNenita Gonzales si Atordido dahil sa umanoy mapanirang video post sa social media na naglalaman ng pagtatalo nila ni Cabigao.
Nakiusap ang kapitana na burahin ang nasabing post subalit hindi pumayag si Atordido.
Matatandaan na una nang nagalit si Pangulong Duterte kay San Agustin, Hagonoy barangay kagawad Danny Flores matapos din na makuhanan ng video na bumabawi sa kalahati ng SAP.
Nagbabala ang Pangulo laban sa ganitong uri ng katiwalian at sinabing magbibigay siya ng pabuyangP30,000 sa sinumang makapagbibigay ng verified information ng mga ganitong uri ng anomalya sa SAP.