Lumalabas mula Sacred Heart Hospital ang isa sa dalawang paasyente na wala nang sintomas ng sakit. Larawan kuha ng hospital
LUNGSOD NG MALOLOS — Dalawang Covid-19 patients sa Bulacan ang dinischarge na ng mga pagamutan matapos na makitaan ng pagbuti ng kalusugan at mawala ang mga sintomas ng sakit.
Ayon kay Dr. Joy Gomez, Bulacan provincial health officer, ang dalawang pasyente ay inilabas na ng pagamutan matapos maging asymptomatic sa virus.
Ito ay ang isang 35–anyos na babaeng pasyente mula sa bayan ng Bulakan na na–confine sa Bulacan Medical Center, at isang 57–anyos na lalake mula sa Malolos City na na–confine naman sa Sacred Heart Hospital.
Aniya, kapwa nawala na ang sintomas ng mga ito gaya ng ubo, sipon, lagnat at hirap sa paghinga at uminam na rin ang mga laboratory results.
Gayunpaman batay aniya sa DOH guidelines ay hindi pa maituturing na fully recovered ang mga ito kayat isasailalim pa rin sa 14-day quarantine period para sa monitoring at kailangan pang sumalang muli sapanibagong Covid-19 testing.
Samantala, tatlo ang nadagdag sa listahan ng positibo sa coronavirus sa lalawigan. Ito ang isang 41–anyos na babae mula sa Bocaue, isang 27–anyos na babae sa San Jose Del Monte, at isang 3–2anyos na lalake mula sa Bulakan.
Kayat sa kabuuan ay nasa 36 na ang positibo sa Covid-19 dito habang nasa 336 naman ang bilang ng PUI at 2,187 naman ang PUM.