GANAP nga ba ang ating kalayaan
sa mapang-aliping kuko ng dayuhan?
‘Yan sa ganang iba nating mamamayan,
huwad pa rin hanggang sa kasalukuyan!
Pagkat hanggang ngayon ang mga anino
ng ‘world’s super powers,’ sa pakiwari ko,
ya’y nasa likod pa rin ng enteblado
at dinidiktahan ang ating gobyerno.
Kasama na r’yan ang mga magagaling
na European Union, na nakisawsaw din
sa isyung sabi’y ‘extra judicial killings,’
na ‘unsolicited’ at di dapat gawin.
At kung saan pati sa’ting pulitikal
na aspeto at pamalakad sa bayan,
sila pa rin itong kay Juan kadalasan
tila nagnanais na siya’y pangunahan.
Gaya na lamang kung may taong sinibak
sa puesto si Digong, sila ba ay sukat
manghimasok at ang hingin na isalpak
ni Pangulo ay ang gusto nila dapat?
Ano sa akala n’yan sa Filipino,
inutil at walang alam gawing wasto?
Tayo’y may sariling batas at gobyerno,
sa ibabaw ng ating sariling mundo.
Pero sa kabila nga nitong lahat na
nang makatao at uring demokrasya
na pamamahala, pumapapel sila
para alipinin sa ibang sistema.
Kaya papaano natin masasabi
na tayo nga’y tunay nang nagsasarili
ngayong sa kaliwa’t kanan ay parati
tayong sakal nitong aninong nasabi?
At iba pang laging sa ‘tin nakamasid
sa lahat ng oras at sa bawat saglit;
na tunay namang sa lahat ng paligid
posibleng magdulot sa’tin ng panganib.
Kahalintulad ng ating Inangbansa
ay ibong pipit na maliit, mahina
kumpara sa isang Agila’ng masiba
na higit ang laki ng taglay na tuka.
Ang hinggil dito sa Scarborough Shoal
at kung ano itong tunay na intension
ng China sa kanyang pagpapagawa r’on
nang kung anu-ano gayong atin nga ‘yon.
Di kaya posibleng iyan ay pagmulan
nang grabeng sigalot at/o ng digmaan,
sakalit ipilit nilang kanila ‘yan,
na isang matinding kalapastanganan?
Kung saan maaring itong malalaki
at mapuwersang bansa tiyak na sasali
sa away para lang ipaglaban pati
ang ‘self interest’ nyan hangga’t maaari!
Huwad pa rin sa ganang aking pananaw
ang ating paglaya sa lilim ng araw,
kung saan ang tigre’t mga matatakaw
itong sa lahat na ang nangingibabaw.
Naturingang tayo’y nagsasarili na,
pero sa likod ng telon nariyan pa
ang banta ng muling maagaw ng iba,
kaya ito nga ba’y ganap na talaga?!