Home Opinion Marsa ng Kamatayan

Marsa ng Kamatayan

1255
0
SHARE

(Kaugnay ng pag-gunita sa “Fall of Bataan,” [April 9, 1942] na kung saan ang mga kawal ng ating lipi, kasama ang mga Amerikano na naging ‘Prisoners of War’ay pinalakad magmula Bataan hanggang sa istasyon ng tren sa San Fernando, Pampanga, na lalong kilala sa tawag na “Death March,”ang tulang ito na isinulat ng inyong abang-lingkod ang siya munang aming inilabas para sa inyong malugod na pagbabasa).

NOONG ‘World War II’ itong ating bansang Pilipinas
Bagama’t nakapakaliit sa tapang ay napatanyag;
Sa Pearl Harbor, ang Hapones, matapos makapangwasak,
Tayo ang siyang isinunod at binombang walang puknat;
Asal hayop kung tratuhin ang kanilang mga bihag,
Kahit nasa kulungan na, walang awang niraratrat!

Sa maghapon at magdamag, walang puknat ang labanan,
At sa lahat ng dako ay walang tigil ang putukan;
Ang Maynila kahit ‘Open City’ itong naturingan
Marami pa rin naman ang piñatay na walang laban;
Sa kaunting di magustuhan ng Hapones, kamatayan
Ang bigay na parusa sa taong walang kasalanan.

Tama’t tayo’y may sariling gobyernong dinatnan nila,
Ngunit ito ay sinakmal ng aserong kamay nila;
Si Sec Jose Abad Santos, ‘caretaker,’ na ‘tinalaga
Ng Pangulong Manuel Quezon na tumungong Australia
Upang di nila mabihag – ang dinakip itong isa
Subali’t hindi yumuko hanggang sa pinatay siya.

Ang lubhang kalunus-lunos at lalong kasindak-sindak
Na dinanas ng magiting na kawal ng Pilipinas
Ay nang di na makaya pang sagupain n’yan ang lakas
Ng Hapones, na kumpleto sa pagkain saka armas,
Sa Mt. Samat ng Bataan naisip biglang umatras
Upang ang huling kanlungan doon nila mapatatag.

Nang dahil sa Inangbayan, mamatay di alintana
Ngunit hindi isusuko sa Hapones ang Bandila.
Kaya kahit sa gutom at uhaw yan ay gapi na nga
Sige pa rin ang kanilang sa Hapon pakikidigma;
Hanggang sa paunti-unting ang puwersa nila’y humina
Ng dahil sa pagod, puyat at sakit na lumalaha.

Kaya naman si J. Wainwright na siyang pinakamataas
Na heneral nitong Army ng Kano sa Pilipinas,
Nang talagang sa labanan wala ng magawa’t sukat
Nagpasiya na, upang di na dumami pa ang malagas,
At kanilang mailibing ang mga sinampalad,
Isuko na ang Bataan sa kamay ng buhong na Jap!

Di lang yan ang diwang sukat sa aklat ay maitala
Upang ang pangyayaring yan lubos mabatid ng madla
Ang lihim na binunga ng lubhang pagkaka-antala
Ni McArthur sa matibay na ipinangakong kusa;
Siya ay babalik agad katuwang sa pagsagupa
Ang ‘convoy’ na isinugo ni Roosvelt sa ating bansa.

Dahil sa makupad sila di na nakuhang dinatnan
Ang lubhang napakalagim na nangyari sa Bataan,
Kung saan ang ibang bihag walang awang pinugutan;
Tinipon ang natira’t dinala sa gitna ng daan,
At magmula sa Bataan, pinalakad ang mga ’yan
Hanggang d’yan sa San Fernando nang di pina-inom man lang.

Pagiray-giray naglakad sa lilim ng ubod init
Na sikat ng haring araw at ng gabing sakdal lamig;
At ang pinag-gagawa pang masasabing sobrang lupit,
Bawat bihag na hindi na makayang maglakad pilit
O hindi na makatayo, bayoneta ng Hapones
Ang agad na itatarak sa manipis nilang dibdib.

Ang ibang naglakas loob upang sila’y makatakas
Kung di mapansin ng bantay, maituturing na mapalad,
Dahil kapag nasulyapang gumagapang, umuusad
Ay tiyakang uulanin yan ng balang nagliliyab;
At ang mga nadadapa kung di makatayo agad,
Bayoneta rin ng Hapon ang sa kawawa itatarak.

Kung kaya sa naging bihag ng malupit na Hapones
Mahigit sa limang libo itong namatay sa sakit,
Mga napatay din nila habang tumatakas pilit,
Binaril n’yan habang daan magmula sa Mariveles,
Patungo ng San Fernando, at kinarga ng mabilis
Sa mga bagun ng tren upang sa Capas ipiit.

Yan ang ilang bahagi r’yan ng Martsa ng Kamatayan
Na lubhang napabantog sa ating naging kasaysayan,
Bagaman napawi na ang usok ng gyerang nagdaan,
Ang alingawngaw ng digma sa parang at kabundukan,
Pinamamalita nito sa buong sandaigdigan
Ang liping kailan pa ma’y di pasisiil kaninuman!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here