Home Opinion Hamon sa Kapampangan

Hamon sa Kapampangan

1395
0
SHARE

Ang ganap na pagtitiwala ng bayan ang pinakatatanging sandigan ng pamahalaan.

Ang saligan ng isang mabunga’t mahusay na pamamahala ay ang matapat na pakikitungo at matibay na ugnayan na umiiral sa pagitan ng mga halal na pamunuan at ng mga mamamayang sa kanila’y naghalal.

Mula sa ugnayang ito umuusbong ang kaganapan ng pinagsugpong na mga adhikain at pagpupunyagi tungo sa kapayapaan, katatagan, kaayusan at kaunlaran ng bayan.

Ang hamon ng katapatan ay higit sa mga namumuno sa kadahilanang iniatang sa kanilang mga balikat ang tungkulin – dala ng tiwalang sa kanila’y inilagak – at kaakibat nitong kapangyarihan, na akayin ang mga mamamayan tungo sa mataas na antas ng mapayapa at masaganang pamumuhay. Tanging sa kapakanan ng bayan nakatimo ang adhikain ng isang naglilingkod. Bayan muna, ito ang pang-araw-araw na gabay sa gawain ng nasa pamahalaan.

Kaya nga ba’t isang kabulaanan sa isang demokrasya ang bansaging nasasakupan ang mga mamamayan ng isang namumuno. Ang bayan ay pinaglilingkuran, hindi sinasakop.

Bunga nito, ang anumang kahihinatnan ng bayan ay isang mabigat at hindi maitatatwang sagutin ng isang pinunong halal hindi lamang sa mga mamamayan, kundi pati na rin sa Maykapal.

Sa panig ng mamamayan, ang tungkulin sa bayan ay hindi nagsisimula’t nagtatapos sa kanilang pagboto sa mga halalan, sa pagkuha ng taunang sedula o maging sa pagbabayad ng buwis lamang.

Likas na karapatan, at pananagutan din, na itinatadhana ng demokratikong lipunan sa mga mamamayan ang makibahagi at maki-alam sa mga gawain at usaping bayan: ang maglahad ng kanilang damdamin, magpahayag ng kanilang saloobin, at kung kinakailangan, ng kanilang pagtutol, tungo sa pagka-kaganapan ng pamahalaang tunay na karapat-dapat sa kanilang tiwala; sa pagpanday ng isang pamunuang may iwing kakayahan, mulat sa adhikain at karaingan ng bayan, kaisa nito sa pagkilos, at higit sa lahat, may pananalig sa katuwiran, kagalingan at katarungan ng kanilang ipinaglalaban.

Sa pag-iiral ng isang pamunuang mapaniil, karapatan ng bayan ang maghimagsik tungo sa kanyang ikatatalsik, at sa pagpapanumbalik ng kalayaan, kaayusan, at kaunlaran ng mga mamamayan.

Sa pamamayani ng isang pamunuang salat sa kakayahan, kapos sa katapatan at kulang sa malasakit, karapatan ng bayan na bawiin mula dito ang ipinagkaloob na tiwala at maghangad, kumilos at magpunyagi tungo sa pagbabago sa namumuno, sa tuwirang pagpalit sa namumuno.

Ang karapatang nasambit ay hindi lamang itinatadhana ng ating Saligang Batas kundi iniukit sa ating mismong pananalig sa isang Dakilang Maykapal: Vox populi, vox Dei. Ang tinig ng bayan ay ang tinig ng Lumikha.

Iakma natin ito ngayon sa mga kasalukuyang kaganapan sa mahal nating lalawigan ng Pampanga.

Ang ipinagbunying tagapagligtas ng mga Kapampangan mula sa mga kuko ng kadiliman, ay – matapos ang isang taong panunungkulan lamang – napatunayan ng walang pinag-iba sa mga bulaang propeta ng kasaysayan.

Tinimbang sa bigat ng pamamahala, napatunayang kulang sa kaalaman man lamang, lalo’t higit sa kahusayang mamuno at mamahala; kapos sa kakayahan na magpatupad sa mga gawaing laan sa ikauunlad ng bayan.

Sinukat sa lalim ng iwing pagmamahal sa mga mamamayan, napatunayan namang salat sa malasakit sa pinakamaliliit at pinaka-abang mamamayan.

Sa ganitong mga pangyayari, ang pagtawag ng lingkod-bayan sa nasabing pamunuan ay isang malaking kalapastanganan sa mga tunay na naglilingkod sa bayan.

Sa ganitong kaganapan, ang hamon ng panahon sa mga Kapampangan ay ang pagbawi sa tiwalang kanilang ipinagkaloob sa kanilang namumuno.

Titindig ba tayo’t haharap ng buong giting sa hamong ito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here