Home Opinion Depende sa klase ng biro

Depende sa klase ng biro

981
0
SHARE

ITONG binitiwan na mga pasaring
ng kagalang-galang na Pangulo natin
hinggil sa malimit niyang batikusin
na nagpa-’five-six’ ay di dapat sabihin

Na kung di itigil patayin na dapat,
‘yan kahit pabiro ay di nito sukat
bigkasin sa labi ng isang katulad
niyang Pangulo ng bansang Pilipinas.

Na umani lang ng grabeng kapintasan
mula sa marami nating kababayan,
lalo na sa mga walang matakbuhan
pagdating sa oras ng pangangailangan.

Pagkat kung di lang sa kalakarang ‘five-six,’
na anumang oras ay napakabilis
ang pagkuha ng ‘loan’ kung tayo ay gipit
(sa pera), saan pa ba puedeng kumapit?

Sa bangko? Akala n’yo ba ay madali
ang pag-utang kahit ng kaunting salapi
gustuhin man nating magbakasakali,
na maka-utang nang mas madali-dali?

Sapagkat bukod sa tinatawag nilang
‘business permit, collateral’ at iba pang
mga papeles ay kailangan din naman
na may ‘co-maker’ ka bago makautang.

Samantalang d’yan sa mga nagpa-’five six,’
(na Bumbay) at ibang ganyan din ang ‘practice,’
Ora mismo, di kailangan ang papeles,
bigay agad nang walang patumpik-tumpik!

Maganda ang nais ipairal ni Sir
kung may mautusan siyang mga ‘banker’
na puedeng umutang ng walang co-maker
ang kahit na sinong ‘possible borrower’.

Wala! Kaya itong mga binitiwang
mga salita na pawang maaanghang,
partikular laban sa kawawang Bumbay
at sa iba pa ay tila kalabisan.

At kahit ‘joke’ nga lang di dapat sabihin
ni Pangulong Digong ang aniya’y patayin
na ang nagpa-’five-six’ upang magsitigil
sila sa ganyan ay di okey ang dating.

Kung saan para bang ubod na ng sama
itong may negosyo ng ganyan sa bansa,
na di namimilit , kundi ‘borrower’ nga
itong sa kanila lumalapit kusa.

Hindi man direktang inilagay sila
ni Sir sa posibleng ika nga’y disgrasya
sa pabirong salitang binitiwan niya,
may ‘negative effect’ yan sa buhay nila.

Alam nating likas sa ating Pangulo
ang pagbibiro sa harap ng publiko,
pero hindi lahat ng klase ng tao
ay natutuwa sa mga biro nito.

At kung saan pati kapitbansa natin,
di malayong puna at kapintasan din
ang kay Pangulo ay maaring sabihin,
sa kawalan pati niya ng ‘self discipline’.

Ipagpalagay ng siya’y di seryoso
sa sinabi n’yan sa harap ng publiko,
pero hindi lahat ng klase ng tao,
puedeng sumakay sa bagay na di wasto!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here